Isang welcome development sa sektor ng kalusugan para sa pamahalaang lokal ng Sofronio Española ang itinatayong district hospital sa bayan na ito na magkasamang pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan at ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.
Ayon kay Mayor Marsito Acoy, matagal na niyang kahilingan kay Governor Jose Alvarez ang pagkakaroon ng hospital sa bayan na magiging malaking tulong sa mga mamamayan para sa atensyong sektor ng kalusugan.
“Malaking hospital ito, itinayo sa tabi ng Rural Health Unit (RHU) natin. Malaking tulong ito sa atin dahil hindi na natin kailangan pang pumunta sa Brooke’s Point para magpa-hospital dahil mayron na tayo dito. Matagal na natin itong hiling kay Governor na sana malagyan din tayo,” pahayag ni Acoy.
Dagdag niya, matagal ring nakadepende ang Sofronio Española sa hospitalization sa bayan ng Brooke’s Point simula pa noong 1995 nang maitatag ito bilang bagong bayan.
“Ang mga kababayan natin dito kapag may sakit at magapapa-check up, sa Brooke’s Point pumupunta, doon nagpapahospital kasi sila lang mayroong hospital tayo wala talaga pero kapag mabuksan na itong Española District Hospital, malaking bagay na ito,” paliwanag niya.
Una ng sinabi ng pamahalaang panlalawigan na ang nabanggit na ospital ay bubuksan sa buwan ng Setyembre.
Ito ang ikalabing-anim na hospital na naitayo ng pamahalaang panlalawigan kasabay ng Northern Palawan Provincial Hospital sa Taytay, Cuyo District Hospital,Araceli-Dumaran District Hospital at Balabac District Hospital.
“Hindi na tayo natutulog dito kasi nandito na tayo sa last year ng Alvarez Administration so gusto ni Gov. na bago mag-end yung term niya matapos talaga yung 15 hospitals pero 16 na ito dahil dinagdag na natin yung Española District Hospital”, pahayag ni Engr. Saylito Purisima, hepe ng Infrastructure Unit/Provincial Engineering Office sa isang press release ng Provincial Information Office noong Hulyo July 12.
“I believe that with the support of the Provincial Government, considering sino man ang maging successor niya should commit to sustain these programs kasi napakaimportante itong health programs sa buong lalawigan ng Palawan,” dagdag ni Purisima.
