Ika-118 Police Service Anniversary, ipinagdiwang ng PRO Mimaropa


LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Ipinagdiwang ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa ang kanilang ika-118 Police Service Anniversary noong ika-9 ng Setyembre.

Ang selebrasyon ay may temang ‘Pinaghusay na Serbisyo, Alay sa Sambayanang Pilipino’, nagkaroon ng programa at pagkilala sa kanilang mga himpilan sa mga munisipalidad, lungsod at lalawigan na ginanap sa Camp Efigenio C Navarro, Brgy. Suqui, lungsod ng Calapan.

Sa nasabing selebrasyon, naging panauhing pandangal si Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, PLtGen Fernando H. Mendez, Jr. na siyang nagbigay ng parangal kasama si PRO4B Reg’l Dir. PBGen. Tomas C. Apolinario, Jr. kina dating OrMin Prov’l Dir. PCol Thomas R Frias, Jr. bilang Best Senior Police Commissioned Officer for Administration; Best Senior Police Commissioned Officer for Operations, PCol Joseph B. Bayan; Best Junior Police Commissioned Officer for Administration, PCpt Ledilyn Y. Ambonan; at Best Junior Police Commissioned Officer for Operations, PLtCol Joseph G. Talento.

Ilang Unit Awards din ang ipinagkaloob sa Romblon Police Provincial Office bilang Best Provincial Office; Best Municipal Police Station ang Romblon Municipal Police Station; Best Provincial Mobile Force Company ang Romblon Provincial Mobile Force Company; Best Regional Administrative Support Unit ang Regional Health Service; at Best Regional Operational Support ang Regional Criminal Investigation and Detection Unit-4B.

Nakuha naman ng Oriental Mindoro Police Provincial Office ang apat na Special Awards. Ito ang Unit with the Highest Accomplishment on Anti-illegal Drugs Operations, Unit with the Highest Accomplishment on Arrest of Wanted Persons, Unit with the Highest Accomplishment on Loose Firearms at Unit with the Highest Accomplishment on Environmental Laws, habang ang Marinduque Police Provincial Office naman ay nasungkit ang Unit with the Highest Rating on the Resolution of Cases, Best Practice Award ang inuwi ng Occidental Mindoro Police Provincial Office at Best Maneuver Company naman ang naibulsa ng 403rd Battalion Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion.

Samantala, pinuri ni Mendez ang mga napagtagumpayan ng PRO Mimaropa dahil sa malaking ibinaba ng crime rate nito sa loob ng tatlong taon, mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2019 ay umabot sa 40 porsiyento. Ang mga ito ay ang kampanya kontra iligal na droga, operation double barrel, korapsyon at ang paglaban sa insurhensiya na siyang patuloy sa pagbaba sa kanilang datos hanggang sa kasalukuyan.

Panawagan pa ng heneral, huwag manawang labanan ang kriminalidad at patuloy na samahan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagsusulong ng tunay na pagbabago sa buong bansa. (Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...