Nakatanggap ng ibat-ibang Information Communications Technology (ICT) equipment ang pamunuan ng Palawan State University (PSU) sa Sofronio Española mula sa main campus nito sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang mga kagamitan na kinabibilangan ng isang laptop, printer, internet router, at headsets ay isinalin sa pangangalaga ng PSU Sofronio Española campus sa ilalim ni Director Sandra Manzul sa pamamagitan ni South Campuses Dean Gabilyn Orilla, sa isang ceremonial turn-over na ginanap sa Sitio Caramay, Barangay Pulot Shore noong araw ng Biyernes, Hulyo 2.
Ang mga ICT equipment ay bilang bahagi na suporta ng PSU sa iba’t-ibang campus nito sa sa gitna ng flexible learning method na ipinaiiral ngayon dahil sa pandemya.
“For school use ito, may mga kasunod pang ibibigay sa amin na katulad ng mga gamit na ito. Malaking bagay ito at tulong para sa ating mga guro dito at sa ating flexible learning katulad po ng printer, makakadagdag ito sa mga magagamit ng ating mga teachers,” pahayag ni Manzul nitong Lunes, Hulyo 5.
Samantala, sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang ginagawang admission ng PSU-Española sa lahat ng mga incoming freshmen na nais mag-aral sa nasabing paaralan kung saan apat na kurso ngayong school year ang kanilang binuksan ngayon na kinabibilangan ng Bachelor of Science in Entrepreneurship, BS in Agriculture, BS in Administration at Bachelor of Elementary Education (BEED).
