Muling nagpaalala sa mga negosyanteng pumupunta ng Kudat, Malaysia ang interagency task force (IATF) ng Balabac na nagbabawal sa kanilang matulog sa mga lodging houses doon.
Ayon kay Mitra Tanjilani, ang vice chairman ng municipal IATF, puwede lamang matulog ang mga negosyanteng nag-aangkat ng produkto sa Kudat sa kanilang mga lantsa kung aabutan ng gabi.
Sa interview sa kanya ng Palawan News, Lunes ng umaga, sinabi ni Tanjilani na ang paalala nila ay dahil sa pagluluwag nila ng biyahe sa Kudat.
Aniya, mas mainam na mabilisan lamang ang pagbili ng produkto para makabalik agad sa Balabac.
“Ang Kudat, of course, ang kanilang health protocols ay mahigpit din at masuwerte tayo kasi nakakapasok ang mga business individual natin sa kanila para mamili. Pero ganoon man, lagi nating paalala sa lahat ng namimili sa Kudat na huwag magpahaba ng oras doon at kung maabutan ng gabi sa lantsa na lang talaga matulog para maging ligtas kasama na ang lantsa pati mga crew nila,” sabi ni Tanjilani.
Ayon kay Tanjilani, nasa 70 to 80 percent ng mga negosyante sa Balabac ay sa Kudat namimili dahil mas malapit ito sa isla kaysa magtutungo pa sa Riotuba o Brooke’s Point.
Samantala hanggang ngayong buwan ng Setyembre ay nananatiling COVID-free pa rin ang bayan ng Balabac, sabi niya.