(UPDATED) Dalawang indibidwal ang nahuli ng mga awtoridad habang nagsha-shabu session sa isang inn sa Barangay Pangobilian, sa Brooke’s Point, Miyerkules ng hapon.
Ang mga suspek ay kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office, na sina Jinky Sarong, residente ng Proper II, Brgy. Ipilan at si Michael Obstaculo, 44, Overseas Filipino Worker (OFW), at nakatira sa Brgy. Marangas, Bataraza.
Nahuli ang dalawa matapos magsumbong sa pulisya ang kinakasama ni Sarong nang ito ay bumaba sa isang tricycle kasama ang isang lalaking hindi nito kakilala na magkasabay pumasok sa inn.
Humingi ng tulong ang lalaki sa Brooke’s Point MPS upang tunguhin ang live-in partner nito sa loob ng nasabing gusali at kumatok sa pintuan ng mga suspek. Pagpasok ay nakitaan sa loob ng gusali ang mga suspek ng drug paraphernalia na nakapatong lang sa kama.
Ang mga suspek ay nahulihan ng dalawang sachet ng shabu, sigarilyo, mga android na telepono, perang umaabot sa dalawang libong piso, wallet, mga ID, drug paraphernalia at iba pang mga kagamitan.
Ayon Kay P/Capt. Bernard Dela Rosa, hepe ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) si Obstaculo lamang ang naaktuhang gumagamit ng droga at ito ay kasama sa listahan ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa bayang ito, subalit hindi pa rin ito ang dahilan upang si Sarong ay mapawalang-sala sa pangyayari dahil siya ay kasama sa insidente.
“Ang lalaki ay isa sa mga watch list ng bayan ng Bataraza (sa paggamit ng droga), ang babae naman ay personel ng DENR at negative naman sa listahan. After ng result, whether magiging negative or positive sila, doon natin malalaman kung talagang gumagamit o hindi. Kahit positive or negative sila, kaso parin. ” ang saad ni Dela Rosa sa panayam nito sa Palawan News.
Kakaharapin ngayon ng dalawang suspek ang kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (May ulat ni Faith Alen Galicia)