SAN JOSE, Occidental Mindoro — Nakalikom kamakailan ang isinagawang Alay Lakad 2019 ng P858,407 na gagamiting karagdagang pondo sa scholarship program nito, ayon sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWDO).
Sinabi ni Alice Cajayon, opisyal ng MSWDO, na ang Alay Lakad Scholarship Program (ALSP) ay may layong matulungan ang mga mahihirap na kabataan ng San Jose sa kanilang mga gastusin sa pagaaral.
“Sinasala natin ang mga nais maging iskolar upang piliin ang mga matatalinong bata na kabilang sa mahirap na pamilya, paliwanag ng opisyal. Aniya, nakabase sa laki ng pondong nalikom ang bilang ng makukuhang iskolar.
“Noong nakaraang taon (Alay Lakad 2018), higit P800,000 din ang nakuha natin kaya may 32 iskolar ang nadagdag sa programa,” pagbibigay halimbawa ni Cajayon.
Pagbabahagi pa ng opisyal, sa ilang dekada nang isinasagawa ng San Jose ang Alay Lakad ay marami na ang nakapagtapos at may maayos na kabuhayan.
Dagdag pa ni Cajayon, kinikilala niyang isang dakilang gawain ang Alay Lakad dahil nagtutulungan ang mga mamamayan ng San Jose para sa kinabukasan ng mga kabataan. Katunayan, may 182 na iba’t bang organisasyon aniya ang sumama sa Alay Lakad ngayong taon at sa pagtaya ng San Jose Municipal Station (SJMPS), higit 10,000 indibidwal ang nakiisa. Sinabi ni Cajayon na umabot ng higit tatlong oras ang paglalakad ng mga ito at pagkatapos ay lumahok sa isang programa na idinaos sa municipal plaza.
“Isang magandang patunay at inspirasyon ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps),” sabi ni Cajayon. Aniya, kahit mahirap ang katayuan sa buhay, laging nakasuporta ang mga ito sa Alay Lakad. Katunayan ay nakapag-ambag sila ng higit P62,000 ngayong taon. paglalahad ni Cajayon.
Sa isinagawang programa ay ginawaran ng pagkilala bilang may pinakamalaking kontribusyon sa ALSP 2019 sina Bokal Diana Apigo Tayag (P25,000) individual category, Occidental Mindoro State College (P139, 980) school category at ang pamahalaang lokal ng San Jose (P75,000) sa government agency category.
Samantala, inaanyayahan ng MSWDO ang mga kabataang nais makabilang sa ALSP.
“Kailangan lang nilang magsumite sa aming tanggapan ng kanilang aplikasyon na kinabibilangan ng biodata, sertipikasyon mula sa kanilang paaralan at application letter” ani Cajayon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)