No Images found.

Higit 390 board feet ng tabla, na-recover ng mga awtoridad sa Narra

 

Nakumpiska ng mga operatiba ng Narra Municipal Police Station (MPS) katuwang ang 2nd Platoon Mobile Force (PMF) ang mahigit 390 board feet ng kahoy sa dalawang magkakahiwalay na operasyon laban sa illegal logging sa Sityo Mariwara, Barangay Princess Urduja, noong Martes (January 26).

Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sa P16,000 ang mga nakumpiskang kahoy mula sa mga illegal logging suspects na diumano ay nakatakas ng sila ay abutan ng mga operatiba.

Unang nagsagawa ng operasyon ang Narra MPS bandang 5:00 ng umaga kung saan nakumpiska ang humigit-kumulang 350 board feet ng tabla na pagmamay-ari ng mga suspek na sina Rolly at Monmon Ledesma, parehong residente ng nasabing lugar, at Paterno Masbang, residente ng Sitio Bliss, Brgy. Panacan.

 

Ang mga kahoy lulan ng top down na tricycle.

Nakatakas ang tatlo matapos na masabat ng mga awtoridad, samantalang naiwanan ang mga tabla at sasakyan.

Ayon sa hepe ng Narra MPS na si P/Maj. Dhenies Acosta, matapos na makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen kaugnay sa operasyon ng mga nabanggit ng suspek ay agad nilang tinungo ang lugar, kung saan positibong namataan ang tatlo.

“Nasalubong na lang namin sila sakay ng tatlong sasakyan na may kargang mga kahoy. Pagbaba namin sa mga sasakyan namin to verify, agad nagsitakbuhan na ang tatlo,” pahayag ni Acosta.

“Medyo masukal ang lugar kung saan sila nagsitakbuhan. Sinubukan din nating silang habulin pero hindi na namin nasundan kasi mayroon tayong friendly forces na malapit,l. Baka magkaroon ng (mis)encounter, kaya hindi na naming masyadong pinursue,” dagdag ng hepe.

Ayon pa sa Narra MPS, may mga nauna nang kaparehong reklamo laban sa mga suspek sa kanilang lugar.

Napag-alaman din na posibleng dadalhin sa Panacan ang mga nabanggit na kahoy.

“Lagi silang namamataan ng mga residente sa tuwing dumadaan dito na may kargang mga kahoy. Kaya ni-report na sa amin. Sa tingin ko ito sila ay hina-hire lang para magdala ng mga kahoy na ito na gagamiti sa paggawa ng bangka,” saad pa ni Acosta.

“Mga good lumber ito. Kukumpirmahin pa natin bukas sa DENR, pero base sa initial na info natin mga ironwood, gmelina, at nato ang mga ito,” aniya.

Bandang 11:00 kinagabihan ng parehong araw ay bumalik ang mga pulis sa parehong lugar kung saan muli silang nakakumpiska ng 40 board feet na kahoy at isang motorsiklo.

“Nakatakbo rin ang mga suspek pero na-recover na rin ang ilang pirasong kahoy na nilaglag nila habang tumatakas,” pahayag pa rin ni Acosta.

Ang mga nakumpiskang kahoy pati na ang mga motorsiklo na sinakyan nito ay nasa pangangalaga ngayon ng Narra MPS para sa kaukulang disposisyon.

Nagpaalala rin si Acosta na hindi titigil ang kanilang mga operatiba sa pagsasagawa ng operasyon upang maiwasan ang iligal na gawain sa kanilang lugar na nasasakupan.

“Hindi natin ito titigilan, kahit gabi-gabi pa natin itong gawin, hanggan hindi tumitigil ang mga iligalista magbabantay tayo,” saad ni Acosta.

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry