Aug 7, 2020

Higit 3,000 LSIs naserbisyuhan ng ‘Libreng Sakay Program’ sa Occ Min

Ang nasabing programa ay nagbigay ng transportasyon sa mga nais umuwing LSI na walang masakyan dahil hindi pa pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF- MEID) ang biyahe ng pampublikong transportasyon patungong Batangas Port.

(File photo by PIA)

 

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hul. 3 (PIA) — Umaabot na sa 3,486 locally stranded individuals (LSIs) ang nabigyan ng serbisyo ng Libreng Sakay Program (LSP) ng pamahalaang panlalawigan dito sa Occidental Mindoro.

Ang nasabing programa ay nagbigay ng transportasyon sa mga nais umuwing LSI na walang masakyan dahil hindi pa pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF- MEID) ang biyahe ng pampublikong transportasyon patungong Batangas Port.

Ayon kay Arjay Zoleta, LSI Provincial Team Leader, nag-arkila ng van at bus ang local government unit na siyang ginamit upang masundo ang mga LSI na nagpatala sa programa.

“Basta ang hiling natin sa kanila ay dala nila ang medical certificate at COVID Shield Pass, para di magka-problema sa pantalan ng Batangas,” pahayag ni Zoleta.

Kabilang sa mga nabigyan ng tulong ng LSP ay ang 26 na kababaihang na-stranded sa San Mateo, Rizal.

Sa isang panayam ay sinabi ni Governor Ed Gadiano na agad niyang ipinag-utos ang mabilis na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalan ng nabanggit na bayan upang pansamantalang ayudahan ang mga kababaihang nabiktima ng illegal recruitment, habang inaayos ang pagpapauwi sa mga ito. Ika- 6 ng Hunyo nang makauwi sa lalawigan ang nasabing mga kababaihan.

Sinabi ng gobernador na kinailangang tapusin ang LSP dahil sapat na ang panahong inilaan para maiuwi ang mga LSI na interesadong bumalik sa probinsya.

“Higit 6,000 na ang nakauwi at iilan na lamang ang nagpapatala sa LSP,” pagbubunyag ni Gob Gadiano.

Aniya, bagama’t babalik na sa probinsya ang mga nakatalagang empleyado sa pantalan ng Batangas, mananatili namang bukas ang LSI Help Desk sa Abra de Ilog at ang LSI Help Line para asistihan sa kanilang mga katanungan ang iba pang mga nais umuwi. Tiniyak din ng Punong-lalawigan na mananatiling bukas ang kanyang tanggapan sakaling may mga grupo ng LSI na mangailangan ng tulong sa kanilang pag-uwi.

Natapos ang LSP noong ika-30 ng Hunyo(VND/PIA Mimaropa)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry