Sep 26, 2020

Higit 100M road project sa OccMin, makukumpleto sa Enero

Ayon kay Anthony Dantis, tagapamahala ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), ang nasabing mga road projects na may habang 6.31 kilometro ay pinondohan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa ilalim ng programang Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP).

Kuha sa pulong ng Local Road Management Team na sumusubaybay sa mga CMGP projects sa lalawigan. Nasa larawan sina Provincial Administrator Muriel Reguinding (dulong kanan), Provincial Budget Officer Manuel Tria (kaliwa) at Provincial Planning Development Officer Anthony Dantis (gitna). (Voltaire N. Dequina / PIA Occ Min)

MAMBURAO, Occidental Mindoro — Inaasahang matatapos hanggang sa Enero 2020 ang mga ginagawang kalsada sa mga bayan ng Magsaysay, Calintaan, Sta. Cruz at Sablayan, na may kabuuang halaga na P112,501,637.

Ayon kay Anthony Dantis, tagapamahala ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), ang nasabing mga road projects na may habang 6.31 kilometro ay pinondohan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa ilalim ng programang Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP).

“Mahalagang ma-konkreto ang mga itinuturing na provincial core road o mga kalsadang patungo sa mga lugar na may malaking produksyon sa agrikultura at pangisdaan. Katuwang natin ang mga munisipyo sa pagtukoy ng mga provincial core road na ito,” paliwanag ni Dantis.

Idinagdag pa ng opisyal na sa pamamagitan ng mga bagong konkretong daan, magiging madali para sa mga magsasaka at mangingisda na madala sa merkado ang kanilang mga produkto habang mas mapapabilis naman ang paghahatid ng tulong o programa ng pamahalaan sa mga komunidad.

Sinabi ni Dantis na upang mapabilang sa mga lalawigang mapopondohan ng CMGP, kailangang maipakita ng LGU ang reporma sa pamamahala.

“Gaya natin dito sa OccMin, nagsumite muna tayo ng Provincial Road Network Development Plan, kailangan ding buhayin at isaayos ang internal audit system ng bawat opisina at dapat ay tumatalima sa accounting at auditing standards na itinakda ng programa,” saad pa ni Dantis.

Sa kasalukuyan, ayon pa rin sa opisyal, pinag-aaralan na PPDO kung paano maidu-dokumento ang mga proyektong pinondohan ng CMGP, partikular na ang mga benepisyaryo nito.

“Para sa akin, ang maayos na dokumentasyon ay mahalagang bahagi ng programa at isasama ito sa mga rekisitos na isusumite sa CMGP-DILG,” pagtatapos ni Dantis. (VND/PIAMIMAROPA/Occ Min)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry