Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Palawan ang isang high value target (HVT) drug suspect sa Barangay Teresa, Narra noong Biyernes, Pebrero 26.
Ang suspek na kinilalang si Annabel Yayen ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Paz Soledad Rodriguez Cayetano ng Regional Trial Court (RTC) Branch 59 noong August 12, 2020, kasama ang kanyang live-in partner na si Ervin Covey Valencia na nauna nang naaresto ng PDEA sa buy-bust operation sa bayan ng Narra din noong Enero 30, at nakunan ng mahigit 50 grams ng shabu.
Nauna na ring nadakip at nakulong ang dalawa sa kaparehong kaso tatlong taon na ang nakalilipas.
“2018 nahuli na kami ng asawa ko (Valencia) sa buy-bust sa Brookes Point, two years po kami nakulong, tapos naka-probation kami 2019,” pahayag ni Yayen.
Si Yayen ay kapatid ng drug convict na si Boyet Yayen.
Ayon sa PDEA, si Yayen ay ika-pito sa listahan ng HVT ng PNP at PDEA na nahuli ngayong taon.
Ayon sa dating hepe ng Narra MPS na si P/Maj. Romerico Remo, taong 2020 ng matunugan ng mga awtoridad ang aktibidad ng dalawa kaya muling nagsagawa ng buy-bust operation laban sa kanila.
“Nag-conduct kami ng drug buy-bust sa mismong harapan ng bahay nila, tapos nang magkaabutan na, bigla silang nakapasok sa bakuran nila, at nakapag-lock ng gate. Sinubukan pa naming pasukin. Nag-regular filing na lang kami ng case against sa kanila at ayan nga nahuli na,” pahayag ni Remo.
Aminado rin ang suspek na madalas sila ng kanyang live-in partner na kumukuha ng mga padalang droga mula Manila sa isang courier sa bayan ng Narra.
“Ang nag-uutos sa asawa ko si Wawaw, kinukuha lang namin sa JRS, tapos iniiwan lang namin sa aplaya saka doon na lang kukunin ng kung sino ang kukuha,” sabi ni Yayen.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng PDEA at nakatakdang ilipat sa provincial Jail.