Umabot sa 25 pakete ng pinaghihinalaang shabu na mayroong market value na aabot sa P77,000 ang nakumpiska ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) at Anti-Crime Task Force (ACTF) sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok Buhanginan, Barangay San Manuel, pasado alas kuwatro ng hapon noong Sabado.
Ang suspek ay kinilalang si Jhon Rey Pacaldo na itinuturing na high-value target (HVT) ng mga awtoridad na dati na ring nakulong sa kaparehong kaso.
Ayon sa pahayag ni ACTF chief Richard Ligad, si Pacaldo ay isa umano sa mga binabagsakan at nagsu-supply ng droga sa lungsod.
“Nakakalungkot dahil under provision itong suspek, hindi niya masabi kung sino ang kanyang mga supplier pero masuwerte pa rin tayo at hindi nya pa nadi-dispose ang mga item niya,” ani Ligad.
Maliban sa unang nabanggit, kumpiskado din mula sa suspek ang ilang drug paraphernalia at P2,000 marked money.
Samantala, kasabay nito ay naaresto din sa anti-illegal drug operations ng Police Station 1, ang isang LGBT member na si Romeo Florez, alyas Rufa, matapos na mabilhan ng isang sachet ng pinanaghihinalaan ding shabu sa national highway, Purok Matiyaga, Brgy. San Jose, alas sais y media ng gabi, noon ding Sabado.
Ang mga nabanggit na suspek ay parehong nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
(With report from Aira Genesa Magdayao)