Ang Futsal Tournament sa Española na isinagawa noong Pebrero 26-27 kung saan mahigpit na ipinasunod ang health protocols (Larawan mula kay Aldwin Jet Gregas)

Kasabay ng pagpayag sa mga sports activities sa lalawigan ng Palawan ngayong ito ay nasa ilalim na ng Alert Level 2, magiging mahigpit pa rin ang gagawing pagpapatupad ng Municipal Interagency Task-force on COVID-19 (MIATF) ng bayan ng Sofronio Española sa lahat ng protocols para sa mga isasagawang sports activities.

Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health office, pinapayagan ang pagsasagawa ng sports activity sa bayan ngunit ang mga nais magsagawa ng anumang uri ng palaro ay kailangang mag-apply ng permit mula sa MIATF, kalakip ang mga kasunduan nito na pagsunod sa ipapairal na health and safety protocols laban sa banta ng COVID-19.

Ani Tingson may iilang mga sports activities at iba pang maliit na pagtitipon sa bayan ang kanilang pinapayagan .

“MIATF ang nag-i-issue. Bale kami ni mayor ang nakapirma sa permit pag may tournament type na sports activities sa ating bayan,” pahayag ni Tingson.

Nakapaloob sa permit na dapat ay fully-vaccinated ang lahat ng manlalaro.

Mahigpit ding ipapatupad ang public health standards habang isinasagawa ang aktibidad kabilang ang pagsuot ng facemask sa mga non-players o audience, at hanggang sa 50 percent capacity lamang ng venue. Kailangan din na maghugas ng kamay bago pumasok sa venue at may nakatakdang distansya sa mga manonood. Magkakaroon din ng symptoms screening at pag-fill-up sa contact tracing form. Hindi papayagan ang pagbibigay ng pagkain sa loob ng venue. Ang bawat aktibidad ay mahigpit na babantayan ng covid marshalls.

“Lahat ito ay kailangang sundin bago kami magbibigay ng permit sa kanila,” dagdag ni Tingson.

Ipaalala rin ni Tingson sa mga nais magsagawa ng sports activity na walang permit na magmumula sa kanilang opisina ay maaaring mapapanagot sa MIATF.

Samantala, isang futsal tournament ang isinagawa ng Football Club Española noong Pebrero 26-27 na nilahukan ng mga manlalaro mula sa iba’t-ibang munisipyo, kung saan unang ipinatupad ang naturang mga patakaran.

Ayon kay Aldwin Jet Gregas, Football Club Española president, nabigyan sila ng MIATF permit noong February 23 at mahigpit itong pinag-aralan ng kanilang grupo at masusing ipinasunod ang lahat ng protocols sa audience at players na lumahok.

“Fully vaccinated po ang lahat ng players namin. At yung mga protocols mahigpit na ipinasunod. May marshalls na nagbabantay sa loob ng ground, nasunod namin ito,” pahayag ni Gregas.

About Post Author

Previous articleManininda bet is Miss Puerto Princesa 2022
Next articlePinaghahanap ngayon ang bilanggo ng Palawan Prov’l Jail na napaulat na tumakas kagabi
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.