PN File

Malaking bagay para sa mga paaralan sa bayan ng Sofronio Española ang kanilang kahandaan, kung sakaling magkaroon ng kalamidad, ang isinagawang hazard assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Nitong nakalipas na linggo ay binisita ng PDRRMO ang apat na paaralan sa bayang ito na kinabibilangan ng Punang Elementary School (PES), Labog Elementary School (LES), Panitian Elementary School (PES), at Panitian National High School (PNHS) upang alamin kung malimit na nakakaranas nang pagbaha ang mga nasabing paaralan kapag walang tigil ang ulan o mayroong bagyo, at iba pang uri ng sakuna.

Ayon kay kapita Toto Gatungay ng Barangay Panitian, mahalaga ng isinagawang assessment ng PDRRMO sa dalawang paaralan sa kaniyang barangay upang makagawa sila ng nararapat na mga aksyon o proyekto na makakatulong para maiwasan ang matinding pagbaha na makakaapekto sa mga estudyante at mga guro.

“Malaking bagay itong hazard assessment sa dalawang paaralan namin, malaman ng gobyerno kung kailangan natin ng proyektong makakatulong sa school pagdating sa mga baha, posibleng drainage system at marami pang iba,” pahayag ni Gatungay, Martes, September 14.

- Advertisement -

Sa panayam naman kay Mayor Marsito Acoy, sinabi niyang palaging binibisita ng kaniyang staff, sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga lugar na malimit na nakakaranas nang pagbaha sa loob mismo ng paaralan kapag may bagyo.

“Tayo naman sa LGU, may mga early preparedness plan din tayo lahat ng sakuna at kalamidad. Sa tulong ito ng ating MDRRMO, kasama diyan ang mga eskwelahan natin. Malaking tulong din itong assessment ng PDRRMO sa mga paaralan natin,” paliwanag ni Acoy.

Ang pagsasagawa ng hazard assessment sa mga paaralan ng Sofronio Española ay bahagi ng pagnanais ng pamahalaang panlalawigan na gawing ligtas ang mga paaralan, at mga guro at estudyante sa mga kalamidad.

“Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ng pamahalaang panlalawigan na masigurong ligtas at malayo sa mga sakuna, kalamidad ang mga mag-aaral at guro sa bawat paaralan sa lalawigan,” pahayag naman sa pahayag mula sa Provincial Information Office (PIO).

Previous articleBuilding a community to save young lives
Next articleBIR flags tax avoidance schemes among business establishments
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.