Bilang pagsuporta sa programa ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa Highland Vegetable Production ay nakiisa si Vice Mayor Maria Nancy Socrates at city agriculturist Melissa Macasaet sa isinagawang harvest festival at farm visit sa Brgy. Inangawan kamakailan. (Larawan mula sa Puerto Princesa City Agriculture Office)

Nakapag-ani na ang mga benepisyaryong magsasaka ng Highland Vegetable Production Project (HVPP) ng Puerto Princesa City Agriculture Office (CAO).

Ito ay sa pamamagitan ng harvest festival at farm visit na isinagawa ng CAO sa sakahan ng mga benepisyaryo ng programa na sina Emma Sabado at Willy Macadangdang sa Sitio Escalona, Barangay Inagawan.

Ang nasabing sakahan ay tinaniman ng mga broccoli, Chinese cabbage, at snap beans.

Sa impormasyong ibinahagi ng CAO sa pamamagitan ng kanilang Facebook page, nilalayon ng proyektong ito na ipakilala sa mga magsasaka ang pagtatanim ng mga gulay na ‘chop suey’ na karaniwang itinatanim lamang sa mga matataas at may malalamig na klima sa bansa.

Nais din ng nasabing tanggapan na mapalawak ang taniman ng gulay na kabilang sa ‘chop suey’ upang mapataas ang sariling supply nito mula sa lungsod gamit ang sariling lokal na teknolohiya.

Ang proyektong ito ay pinondohan ng city government sa ilalim ng pamumuno mayor Lucilo R. Bayron.

Ang harvest festival at farm visit ay pinangunahan ni city agriculturist Melissa Macasaet at assistant city agriculturist na si Enera A. Tuibeo, katuwang ang mga magsasakang sina Sabado at Macadangdang.

Nakiisa rin dito si vice Maria Nancy Socrates at mga magsasaka mula sa Kamuning Farmers Association, Inagawan Sub Farmers Association, Masikap Farmers Association, Baluga at Losyang.

Upang ipakita na angkop ang teknolohiyang ginagamit sa pagsasaka at ang produkto nito ay ligtas, nagsagawa naman ang mga kawani ng City Agriculture Office ng pesticide residue analysis para sa mga pestisidyo sa grupo ng carbamates at organophosphates kung saan ang mga resulta nito ay pawang negatibo at nagsasabing ligtas kainin ang lahat ng mga gulay na naani.

Sa kabuuan, sinabi ng pamunuang ng City Agriculture Office na naging matagumpay ang nasabing aktibidad at nagbigay-daan ito upang makita ng mga magsasaka ang opurtunidad sa pagtatanim ng mga highland vegetables para sa mas lalo pang ikauunlad ng agrikultura ng Lungsod. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About Post Author

Previous articleCity ENRO preparing 7 barangays for this year’s Kagueban
Next articleCayetano: WPS situation ‘solvable,’ face-to-face diplomacy will defuse current situation