Suportado ng Philippine Air Force (PAF) ang samahan na Hands Off Our Children (HOOC) na binubuo ng mga magulang na ang mga anak ay sumapi na sa mga left-leaning youth organizations na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa bansa.
Ayon kay Cpt. Christopher Jorquia, public affairs officer ng Office of the Civil Military Operations (CMO) ng PAF, suportado nila ang nais ng HOOCÂ na tantanan na ng mga left-leaning groups ang pagre-recruit ng mga kabataan para maging rebelde at maglaho ng parang bula malayo sa kanilang pamilya.
Ang grupo ay nagbibigay din ng payo sa mga kapwa nila magulang na nabiktima rin dahil ang mga anak ay na-recruit bilang dagdag na puwersa ng mga rebeldeng organisasyon sa pamamagitan ng mga left-leaning groups, sabi ni Jorquia.
“Maganda ang naisip ng mga magulang na magkaisa para sa mga anak nila. Magandang magdamayan sila ng sa gayon ay mapag-usapan nila ang mga magagandang aksyon na maaari nilang gawin sa mga pangyayaring ito,” ayon kay Jorquia.
“Ngunit palaisipan sa kanila kung bakit nagustuhan ng mga bata o mga estudyante na sumali sa kanilang grupo. Kung iisipin, alam ng lahat na hindi maganda ang layunin ng grupong ito,” dagdag pahayag pa niya.
Sabi ni Jorquia, hindi perpekto ang gobyerno, ngunit hindi ito dahilan para pagbagsakin ang gobyerno. Alam diumano ng lahat na hindi makatarungan kung ang mga ito ay lalaban sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsanib sa CPP-NPA-NDF.
Sa kanyang paliwanag, sinabi niya rin na may karapatan ang mga magulang na kabilang sa Hands Off Our Children na ipaglaban ang kanilang mga anak, lalo na’t nawawala ang mga ito.
“Ayon sa mga magulang at ayon na rin sa mga taong dating kasapi ng armadong grupo, ang mga anak daw nila ay hinihikayat na sumama para sa mga iba’t-ibang aktibidad ng grupo at kalaunan sa isang ‘immersion’ kung saan inaakyat nila ang mga bata sa bundok upang matuto,” sabi ni Jorquia.
Ngunit ang hindi alam ng mga magulang, na-recruit na pala sa CPP-NPA-NDF ang kanilang mga anak at hindi na makakabalik sa kanilang pamilya, sabi pa niya.
Hindi umano makatarungan na ilayo niya ang anak sa isang magulang, lalo pa at mali ang impormasyon na alam nila sa kung ano talaga ang gagawin sa anak nila.
“Masakit para sa isang magulang na mawalay sa kanila ang kanilang mga anak, lalo na’t alam nilang hindi mapapabuti ang kanilang mga anak,” paliwanag niya.
Wala rin umanong katuturan ang turuan ang mga bata kung paano maging rebelde sa tao at sa kanilang mga magulang.
“Ayon sa mga magulang ng mga bata, sinabi raw sa kanila na tanggapin na lang nila na naging rebelde na ang mga anak nila at wala na silang magagawa pa. Kahit kailan, hindi mo pupuwedeng diktahan ang isang magulang dahil alam nila kung ano ang mas makakabuti at ang mga hindi makakabuti para sa mga anak nila,” pahayag ni Jorquia. (Sponsored content)