Upang mas mapalaganap ang agrikultura at mga oportunidad na mayroon ito sa mga kabataan ay isinusulong ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Aribungos sa munisipyo ng Brooke’s Point, ang proyektong “Gulayan ng Kabataan.”

“Masyado na pong nawiwili ang ating mga kabataan sa makabagong teknolohiya at amin po itong ibabalanse. Ipapaalala at ibabahagi [namin] sa kanila ang kahalagahan ng agrikultura sa atin,” pahayag ni Abis.

Ayon kay Rey Mark Abis, chairman ng SK ng naturang barangay, nais nilang mas mailapit ang agrikultura sa mga kabataan na ayon sa kanya, ay mas nawiwili sa teknolohiya.

Maliban dito, nais din ng grupo ni Abis na masagot ng agrikultura sa pamamagitan ng kanilang proyekto ang kakulangan sa hanapbuhay at pagkain na isa sa mga suliranin ng mga pamilya ng maraming kabataan.

“Bilang lider kabataan ay ginagawa ko po, kasama ng aking mga SK members, [ang lahat] para makatulong sa kabataan na mahalin ang agrikultura na kung saan ito ang pinagkukunan ng pagkain at mabisang makakatulong sa kakulangan ng pagkain sa panahon ng pandemya,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa kanya, sa kasalukuyan ay mayroon na silang mga buto na nagmula sa Department of Agriculture (DA) sa MIMAROPA sa pakikipagtulungan ng Provincial Agriculture Office (PAO) at ni Board Member Ariston Arzaga, chairman ng committee on agriculture, na siya nilang pangunahing katuwang sa naturang proyekto.

Kanilang ipupunla at itatanim ang iba’t ibang buto ng gulay tulad ng okra, sili, lettuce, pipino, talong, sitaw, kalabasa, kangkong ampalaya at iba pa sa kalahating ektaryang lupain na pahiram sa kanila ng pribadong nagmamay-ari.

Ang mga gulay, aniya, ay maaaring ibenta ng mga kabataan kung sakaling mamunga na ito upang mapagkakitaan at makatulong sa mga miyembro at lalong lalo na sa pagpapalago pa ng nasabing proyekto.

“Kung sakali man po na maging produktibo po ang ” Gulayan ng Kabataan” ang kapakinabangan po ay naaayon sa mapapagkasunduan ng miyembro na kung saan ay makakatulong sa kanila at sa nasabing proyekto,” dagdag niya.

Samantala, patuloy ang pakikipag ugnayan ng kanyang opisina sa Municipal Agriculture Office, LGU, at sa DA upang makasungkit ng marami pang programa na makakatulong sa mga kabataan sa kaniyang barangay pagdating sa pagpapalago ng kanilang kaalaman at pagsasanay sa larangan ng agrikultura.

About Post Author

Previous articleNarra envi office upcycles glass bottles into eco-bricks
Next articleSenate approves SIM Card Registration Act to hold cyber scammers liable
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.