Inaresto ng pulisya ang isang nagpakilala bilang kumander ng New People’s Army (NPA) at mga kasamahan nito dahil sa kasong robbery extortion noong Martes, July 16, ng hapon sa Brgy. Tiniguiban.
Kinilala ni P/Maj. Reginald Pagulayan, hepe ng City Intelligence and Criminal Investigation and Detection Branch (CICDB), ang nagpanggap na lider bilang si Marioneto Santiago na sinasabing taga-Jaen, Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan sa PENRO Road, Brgy. Sta Monica.
Ang mga kasamahan nitong nagpakilala bilang miyembro ng grupo ay kinilala din na sina Liezel Redoc Balaora, 28, residente ng Brgy. Banbanan, Taytay, at sina Robert Royo Reyes, 21, construction worker at Alessandra Kyle Signo Castro, 20, criminology student at parehong residente ng Purok 4, Brgy. Poblacion sa nasabi rin na munisipyo.
Ayon kay Pagulayan, dumulog sa kanilang tanggapan ang biktimang si Danilo Valera at kanyang kasosyong si Helen Canilla matapos makatanggap ng pananakot sa text mula sa isang nagngangalang Rolando Romero na nagpakilala bilang kumander din ng NPA.
Hinihingian umano sina Valera at Canilla ng halagang P5,000 ng grupo at kung hindi magbibigay ay mapapahamak ang mga ito.
“Nagsimula ang extortion sa ating mga victim noong July 11 and itong NPA daw na ito na nagngangalang Rolando Romero, nagpakilalang NPA commander at tinatakot niya itong victim natin na isang contractor na magbigay daw sya ng P5,000. Bukod doon may pagbabanta sa buhay ng ating victim,” sabi ni Pagulayan
Matapos matanggap ang reklamo, agad nagplano at nakipag-ugnayan ang grupo nila Pagulayan sa pamunuan ng isang kilalang pawnshop upang masubaybayan kung saan kukunin ang perang ipapadala ng biktima.
Ganap ngang 5:30 ng hapon noong July 16 ay kinuha ito ng mga suspek sa Tiniguiban Branch ng pawnshop na hindi na binanggit ang pangalan. Dito ay inaresto na sila sa entrapment operation, sabi ni Pagulayan.
“Nag-report ang mga victims at noong July 16 nagkaroon kami ng entrapment operation dahil magpapadala ang mga victim sa pawnshop sa Tiniguiban. Bago nito nakipag-coordinate kami sa pawnshop na kung sakaling ma-detect kung saan i-cla-claim ‘yong pera ay medyo i-delay nila at ‘yon nga na-detect na sa Tiniguiban at dinelay nila at ‘yon na nga nahuli na ang mga suspek” dagdag niya.
Nahuli si Santiago matapos ma-itext ng mga kasamahan na sila ay nasa Brgy. San Pedro.
Ayon pa sa imbestigasyon nila Pagulayan, ang nobya ni Santiago na si Balaoro ang nag-utos kay Reyes na kunin ang pera.
Samantala, nakuha naman sa suspek na si Castro ang cellphone na ginamit sa pananakot sa mga biktima.
Napag-alaman din na si Santiago ay nagpapanggap lang na miyembro ng NPA at pawang trabahador ng mga biktima.
Sa ngayon, ang mga suspek ay nasa pangangalaga ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at may kinakaharap na kasong robbery extortion
May panawagan naman ang CICDB sa mga mamamayan para hindi naloloko at nagiging biktima ng robbery extortion ng mga nagpapanggap na NPA.
“Sa mga kababayan natin dito sa Puerto Princesa na makakatanggap ng threat o text message ng mga taong nagpapakilalang mga NPA, ‘wag sana silang maniwala, kasi kumbaga ginagawa nilang paraan ‘yon para manakot ng tao at para mapilitan ‘yong mga biktima na magbigay ng pera or anything na in exchange for that,” pahayag niya.
Hiningi naman ng Palawan News ang panig ng mga suspek ngunit tumanggi silang magsalita.