Ilan sa mga mangingisda mula sa Brooke's Point, Quezon, Bataraza, Rizal at Aborlan na napagkalooban ng mga fishing materials mula sa Provincial Government of Palawan. (Photo from PIO Palawan)

Nakatanggap ng kagamitang pangisda mula sa pamahalaang panlalawigan ang 12 asosasyon ng mangingisda sa mga bayan ng Aborlan, Rizal, Bataraza, Quezon, at Brooke’s Point na ipinamahagi noong Marso 15-18.

Ang mga kagamitang pangisda na ipinamahagi sa pamamagitan ng Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) at Livelihood Project Management Unit (LPMU) ay kinabibilangan ng 10 bangkang de motor at 12 sets ng payao o fish aggregating device.

Maliban dito ay nagsagawa rin ng pagsasanay ang LPMU para sa mga mangingisdang benepisyaryo upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga ito sa pangangasiwa at operasyon ng payaw.

(Photo from PIO Palawan)

Layunin ng programa na mapanatili ang pagiging produktibo ng karagatan sa limang munisipyo habang patuloy na pinoprotektahan ang mga yamang-dagat at upang mabawasan ang malaking gastusin ng mga mangingisda sa gasolina, at matulungan ang mga ito na mapalago ang kanilang hanapbuhay at madagdagan ang kanilang kita ngayong panahon ng pandemya at matapos na manalanta ang bagyong Odette sa lalawigan.

Ayon kay Rodel Cabintoy, OIC ng LPMU at senior agriculturist ng PEEDO, ang proyektong ito ay bilang tugon ng pamahalaang panlalawigan sa pangangailangan ng mga mangingisda na muli silang makabangon batay sa mga isinagawamg konsultasyon at pakikipag-usap sa fisherfolk sa isinasagawang ‘Gobyerno sa Barangay’ ng pamahalaang panlalawigan sa mga nabanggit na bayan.

“Isa sa inaasahang resulta ng programang ito ay ma-improve natin ‘yong kanilang economic status gawa ng galing tayo sa pandemya at bagyong Odette at talagang lugmok sila,” pahayag ni Cabintoy.

(Photo from PIO Palawan)

“Actually, first time itong ganitong proyekto ng administrasyon ng lalawigan ng Palawan. At tayo ay nasa pilot testing pa lamang at inaasahan na magkakaroon ng positibong resulta upang mapalaganap ito at makatulong sa buong lalawigan,” dagdag naman ni Augustus Avillanosa, Executive Assistant III ng LPMU.

About Post Author

Previous articlePort Barton showing promise of tourism recovery for San Vicente
Next articleJavier takes over command of Naval Forces West
is the news correspondent for Sofronio EspaƱola and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.