BROOKE’S POINT, Palawan — Patuloy na magsasagawa ng information education campaign ang mga anti-mining advocate sa bayan na ito na pinangungunahan ni Ptr. Job Lagrada sa kabila ng mga hadlang na kinakaharap.
Sa panayam ng Palawan News kay Lagrada, sinabi niyang hindi sila titigil sa kanilang pagbabahagi ng kaalaman at impormasyon hangga’t hindi umaalis ang kompanya ng minahan sa Brooke’s Point dahil alam umano nila na tama ang kanilang ipinaglalaban.
Dagdag niya, kahit wala ang pagmimina ay mabilis ang kaunlaran ng bayan dahil sa biyayang dulot ng kalikasan sa pamamagitan ng agrikultura na siya namang masisira kung magpapatuloy ito.
“Hindi kami titigil, itutuloy-tuloy namin ito dahil alam namin na tama ang ipinaglalaban namin. Ang Brooke’s Point ay developed, at papunta na ito sa sustainable development ayon sa ibinibigay ng kalikasan tulad ng pagsasaka . At ang klase ng development ng Brooke’s point ay peaceful through agriculture,” pahayag ni Lagrada.
“Ilalaban ko na mas kapakipakinabang ang development na dala ng agrikuktura kaysa sa nickel mining. Ang dulot ng mining ay sisirain ang lupa, sisirain rin maging ang lamang dagat dahil ang katulad nito ay ang lakas na dala ng energy drink na sa una ka lang lalakas subalit pagkatapos ng mga susunod na panahon manghihina ka dahil hinugot na nito ang mga reserbang lakas mo. Samantalang ang development na dala ng agriculture ay sustainable,” dagdag paliwanag niya.
Bagama’t nabigyan na ng permit ng lokal na pamahalaan ang Ipilan Nickel Corporation (INC) sa pamamagitan ni acting municipal mayor Georjalyn Quiachon naniniwala si Lagrada na may patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang endorsement ng kasalukuyang acting mayor na si Georjalyn Quiachon-Abarca dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.
“Una, marami siyang nilabag, hindi siya dumaan sa tamang proseso. Wala pang mga clearance ang minahan pero binigyan nya na ng permit. At kung tama ang ginagawa nya bakit hindi sya humaharap sa mga patawag sa kanya sa Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan?” ani Lagrada.
“Ang endorsement nila ay hindi katanggaptanggap. Bakit tinataguan nya ang publiko sa usaping ito? Dahil ba hindi nya maipaliwanag sa tao kung ang ginagawa nya?” dagdag pa niya.
Samantala, nananatili namang tahimik si Quiachon hinggil sa nasabing usapin.
