Balik normal na ang operasyon sa Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza simula ngayong araw ng Lunes, Mayo 3, ng matapos ang 14 araw na pagsasailalim nito sa enhanced community quarantine (ECQ) o granular lockdown dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Abril 19 nang ilabas ni Mayor Abraham Ibba ang Executive Order No. 03 na naglagay sa barangay sa ilalim ng ECQ base sa rekomendasyon ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 at agad namn na sinangayunan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF).
Subalit matapos na alisin ang ECQ category ay pinanawagan ng MIATF na patuloy pa ring sundin ang health and safety protocols.
Sa isang opisyal na kalatas na inilabas ni Ibba nitong araw ng Linggo (Mayo 4), sinabi niyang bagama’t tapos na ang lockdown ay hindi ito nangangahulugang ligtas na ang bayan sa banta ng COVID-19 kaya pinanawagan pa rin niya ang ibayong pag-iingat at ang patuloy na pagsuot ng face mask, pag-iwas sa mga mataong lugar at pagpapaliban ng mga mass gatherings.
“Ang granular lockdown sa Rio Tuba ay natapos na ngunit mahigpit pa rin nating ipinapaala-ala s a lahat na sumunod sa health and safety protocols. Responsibilidad ng bawat isa na pangalagaan ang sarili at pamilya. Magtulungan tayo at gawin nating lahat ang ating makakaya upang ang ating masugpo ang paglaganap ng nakakamatay na sakit na COVID-19,” ani Ibba.
Samantala sa panayam ng Palawan News kay kapitan Nelson Acob, sinabi niyang naobserbahan naman sa loob ng 14 araw na sumunod ang mga mamamayan sa mga polisiya na ipinatupad ng MIATF sa kaniyang barangay katulad ng pag-iwas sa mass gathering, at pananatili sa bahay at patuloy na pagsuot ng facemask at faceshield.
Nilinaw din ni Acob na bagama’t inalis na sa granular lockdown ang barangay ay patuloy pa ring ipatutupad ang curfew simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
“Within 14 days nakita naman natin na naging masunurin ang mga ka barangay ko sa Rio Tuba, sumunod naman lahat dahil siguro alam nila na kapag hindi sila sumunod ay marami ang mahahawa o mapapahamak,” pahayag ni Acob.
