Makikinabang ang 101 interns na benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa MIMAROPA sa pamamagitan ng Palawan Field Office nito.
Nagsimulang mag-trabaho ang mga intern noong ika-16 ng Setyembre at itinalaga ang mga ito sa District Action Office (DAO), habang ang iba nama’y nakatalaga sa mga barangay ng lungsod ng Puerto Princesa at bayan ng Aborlan.
Ekslusibong gagampanan ng mga benepisyaryo ang mga gawain sa loob ng tatlong buwang internship na magtatapos sa ika-18 ng Disyembre.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga benepisyaryo ng GIP, mahigpit na ipinatutupad ang mga pamantayan ng kalusugan sa panahon ng pagtatrabaho tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at ang malimit na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig at paglagay ng alcohol bilang nakasaad sa kasunduan ng internship program. Alinsunod sa DOLE GIP Advisory No. 04-2020, ipinagbabawal ding magsagawa ng field work ang mga benepisyaryo.
Nagsagawa ng oryentasyon si Elnie G. Iligan bilang GIP focal person para sa mga benepisyaryo hinggil sa mga alintuntunin ng DOLE, mga tungkulin at responsibilidad ng mga intern sa mga tumanggap na tagapag-empleyo at sa ahensya. Tatanggap ng sweldo ang mga interns base sa umiiral na minimum na sahod sa probinsya at ito’y matatanggap sa pamamagitan ng money remittance center.
Ayon kay Elnie Iligan: “Hinihikayat ko kayong gawin ang inyong trabaho hindi lamang bilang mga interns kundi mahalin ninyo ang inyong trabaho dahil magsisilbi itong pagkakataon na ma-absorb kayo ng opisina na inyong pinasukan”.
Ang GIP ay isang internship program ng DOLE na nagbibigay pagkakataon sa mga nakatapos ng high school, technical-vocational na kurso at kolehiyo na nagnananais ipagpatuloy ang karera sa pagtatrabaho sa lokal o nasyunal na ahensya ng pamahalaan. (PIAMimaropa/Calapan)