Hinihikayat ni Gob. Bonz Dolor ang mga Mindorenyo na magpabakuna para na rin sa segurudad ng kanilang kalusugan kontra COVID-19 sa isinagawang Virtual Town Hall Meeting kasama ang mga nasa kagawaran ng kalusugan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Peb. 26 (PIA) — “Bilang ama ng lalawigan, hinihikayat ko ang bawat Mindoreño na suportahan natin ang magandang programang ito ng pamahalaan ng pagpapabakuna kontra COVID-19, partikular ang ating mga frontliners, senior citizens at mga men in uniform.”

Ito ang panawagan ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa isinagawang ‘Virtual Town Hall Meeting on CoVid19 Vaccine Roll-Out’ ngayong umaga.

Sinabi pa ng gobernador na hangad ng pamahalaan na magkaroon tayo ng pagpapahalaga na kahit 70 porsiyento man lamang ng populasyon ng lalawigan ay unti-unting mararamdaman ang pagpapanumbalik sa normal na buhay ng bawat isa.

Hanggat may pandemya, nananatili pa rin aniya itong banta sa mundo at ramdam ng lahat ang epekto nito. Binago din nito ang antas ng pamumuhay ng sambayanan kung kaya, lahat ng mga paraan upang maiwasan ang pagdami ng nabibiktima nito ay ginagawan ng paraan ng gobyerno.

Pagtatapos ni Dolor, “tulad ng ilang gamot, walang bakuna ang siguradong 100 porsiyentong ligtas ito. Kalimitan ay wala o minsan ay bahagya lamang ang nararamdamang sintomas ng mga nabakunahan. Bihira lamang ang nagkakaroon ng mga side-effects nito.”

Samantala, ibinahagi din ni Dr. Marion A. Kwek, pinuno ng Health Education Committee ng Vaccine Mechanism of Actions and Evidence, kung ikukumpara ang bakuna ng COVID-19 sa mga bagay tulad ng laptop o cellphone, hinahanap natin ang mga dekalidad na bersyon o mas murang halaga nito. Hindi aniya ganito ang sitwasyon ito.

Sinabi ni Kwek na “Ang CoVid19 vaccines, lahat ng ito, hangad ay maiwasan ang maospital o humantong pa ang ating mga kababayan sa kamatayan. Kaya magpabakuna na sa lalong madaling panahon.”

Bukod kina Dolor at Kwek, kasama din sa nasabing virtual meeting si Department of Health (DOH) Regional Director Dr. Mario S. Baquilod, habang nagbigay naman ng mensahe sina PIA-Minaropa Regional Director Joey Reuben Alagaran II, DOH Sec. Dr. Francisco Duque III, Philippine Information Agency Director General na si Usec. Ramon Cualoping III at iba pang mga nasa kagawaran ng kalusugan gayundin ang mga mamamahayag ng rehiyon.

Layunin ng nasabing virtual town hall meeting ay ang mabigyan ng mas malalim na pagpapaliwanag ang gagawing malawakang COVID-19 vaccine upang ang lahat ay dahan-dahang maibalik sa normal ang nakasanayan pamumuhay. (DN/PIA-OrMin)

Previous articleAllergology expert advises public to stay in center for 30 minutes after vaccination
Next articleCity government moves to stop controversial road project that cuts across old growth forest