Nagsagawa ng symposium ang Provincial Gender and Development (GAD) Office noong Miyerkules bilang bahagi ng aktibidad sa pagdiriwang ng Women’s Month.
Tinawag itong Usapang Palaweña: Women’s Symposium kung saan nagbigay ng mensahe si Governor Victorino Dennis Socrates at GAD head Richard Winston Socrates na nakatuon sa mga ginagawang programa ng pamahalaang panlalalawigan para mapalakas ang sektor ng kababaihan sa lalawigan.
Ipinaliwanag naman ni University of Asia and the Pacific (UAP) Prof. Antonio Torralba na tumayong resource speaker ang kahalagahan ng konsepto ng gender sensitivity.
“Ang role ng mga kababaihan sa paghubog ng komunidad ay mahalagang bigyang pansin dahil dito ay maipapakita nila ang kanilang full potential bilang babae and it is also a way to reduce discrimination and gender bias,” ani Dr. Torralba.
Bahagi rin ng symposium ang pagbibigay ng kaalaman sa mental health na ipinaliwanag ni Ms. Devie Mae Navarro mula sa Provincial Social Welfare and Development Office gayundin ang ilang batas gaya ng Anti-Violence Against Women and their Children Act at The Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law) na inilahad nina Atty. Gellian Baaco at Atty. Mary Joy Cascara ng Provincial Legal Office.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng mga kawani at ilang opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan.