Â
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga barangay upang tuluyang sugpuin ang problema ng insurhensiya sa Palawan.
Ito ang puntong idiniin ng mga lokal na opisyal sa isinagawang “Gabay Alalay Forum” ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) noong Hulyo 22 at 24 sa mga bayan ng Taytay at El Nido.
“I would like to elicit the support of our barangays on this. Let the communities be involved. Magtarabiangan kita para sa kaayadan ateng banwa,“ ayon kay Mayor Romy Salvame ng Taytay.
Dagdag naman ni Gil Padul, Municipal Government Operation Office, kadalasang nangunguna sa paglaban sa maling gawain ng mga makakaliwang grupo ay ang mga militar lamang.
“Ang efforts hindi lang dapat sa militar kundi sa lahat ng agensya at mainvolve ang ating mamamayan kasi kalimitang nagafront nitong gawain ay mga military lang. Sa tingin ko ay kulang kasi ang pagrecruit ng ganitong samahan is nagsisimula sa barangay so dapat magsimula ang strategy to counter this insurgency doon sa ating barangay,” ani Padul.
Nagsalita sa forum ang isang dating rebelde na kasalukuyanang tagapagsalita ng grupong Kapitbisig para sa Kapayapaan at Kaunlaran ng Palawan (KKK-Palawan), isang bagong grupo na tumutulong sa adbokasiya ng pamahalaan laban sa mga rebelde.
Ayon kay Ka Omar, dapat napagtuunang pansin ng pamahalaan ang “education” sa mga barangay.
“Hindi matatapos ang gulo kasi everytime na may namamatay na NPA, may mga suporter ‘yon, may mga naniniwala sa kanila. Ang sulosyon ay hindi patayan. It should be education in the barangays,“ ani Ka Omar sa panayam ng Palawan News.
Dalawang nagbalik loob sa gobyerno na nakapanayan ng Palawan News ang nagsabi na sila ay biktima rin sa maling paniniwala kung kaya naisipan nilang ituwid ang kanilang landas at magbagong buhay.
“Dahil sa kahinaan ng lugar namin sa paghahanap buhay, ‘yong hanapbuhay ay bukid. Pumasok sila sa kahinaan ng hirap sa trabaho. Sabi nila, sumanib nalang kayo sa amin, dito matutulungan pa namin ‘yong pamilya n’yo habang wala kayo, mapadalhan namin ng pera, suportahan namin ‘yong mga anak ninyo, paaralin namin habang kayo ay nagtratabaho sa amin kaya nahimok ang isip namin dahil nga hirap sa trabahao marami sa amin ang nahikayat. Ang iba sa amin hanggang ngayon nando’n pa rin ang pag iisip na susuporta sa kanila,” kwento ni Ka Rhian.
Ang Gabay Alalay forum ay dinaluhan ng mga opisyales ng barangay, lokal na pamahalaan ng bayan ng Taytay at El Nido, mga kawani ng pulisya, 23rd Marine Company, Marine Batallion Landing Team-3, mga kawani ng DILG-El Nido at Taytay at ibang lider ng mga organisasyon.