SAN VICENTE, Palawan — Umaabot pa lamang sa kabuuang 10,621 o tinatayang 45.28 percent, ang bilang ng fully vaccinated na mamamayan ng bayan na ito, mababa sa target na 23,455 base sa huling datos na inilabas ng Rural Health Unit (RHU) noong araw ng Lunes, Enero 3.
Kabilang dito ang 926 na senior citizens o 40.80 percent ng bilang ng nakatatanda sa bayan, at malayo pa sa target ng RHU na 2,114. Ang mga batang edad 12-17 taong gulang naman ay kakaunti pa rin ang nabakunahan.
Nasa1,624 kabataan o 36.64% pa lamang ng kabuuang bilang ang fully vaccinated, malayo pa rin sa target na 4,432.
Ayon kay Dr. Mercy Grace Pablico, municipal health officer ng bayan, mataas pa rin ang alinlangan ng mga tao para tumanggap ng bakuna laban sa COVID-19, lalo sa mga liblib na lugar. Sinira din umano ng bagyong Odette ang kanilang mga schedule ng bakuna mula noong Disyembre 17.
”Mataas pa rin ang vaccine hesitancy lalo na doon sa mga remote areas, tapos pangalawa ang mga schedule natin prior to Odette typhoon ang ganda na sana ng schedule natin, kaso na stock na kami,” pahayag ni Pablico.
“Plano namin last time na every weekends and holidays, straight mag-vaccine kami. Tapos may mga naka-schedule na for 2nd dose, kaya lang, dahil sa typhoon Odette nasira ang aming schedule, and ang tagal namin naka-resume magbakuna kasi walang madaanan kaya hindi kami makapunta sa area, at wala nang mga covered gym na venue ng vaccination. Naubusan din ng fuel for mobilization, dahil ni-reserve namin doon sa preservation ng vaccine sa genset,” paliwanag pa niya.
Hindi naman nagsasawang hinihikayat ni Dr. Pablico ang mga mamamayan na magpabakuna lalo ngayon na may banta na naman ng Omicron variant.
”This afternoon, may meeting kami ng San Vicente MIATF para sa readiness natin para maiwasan ang Omicron. At still pino-promote natin sa lahat lalo na sa hindi pa nabakunahan na magpa-vaccine na sila lalo ngayong may banta ng Omicron na naman kasi wala namang ibang treatment or solusyon para doon sa COVID-19 kundi vaccination pa din,” dagdag niya.
