Larawan mula sa DA RFO MIMAROPA
- Advertisement by Google -

Lubos-lubos ang pasasalamat ng magsasakang si Sally Tuballa, miyembro ng Tinagong-Dagat Corn Cluster Association ng Brgy. Aramaywan sa bayan ng Narra dahil sa ayudang natanggap nito mula sa Department of Agriculture (DA).

Isa si Tuballa sa 494 na mga magsasaka at mangingisda na napagkalooban ng Fuel Discount Card sa paglulunsad ng kauna-unahang Fuel Discount Program ng DA-MIMAROPA sa lalawigan na ginanap sa bayan ng Narra noong July 26.

Ang programang ito ay naglalayong matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang gumagamit ng makinarya sa paghahanapbuhay na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Malaking tulong po itong P3,000 fuel discount sa amin dahil magagamit po naming ito para sa aming service na ginagamit sa paghahakot ng produkto katulad ng mais, saging at kamote mula sa aming sakahan patungong pamilihan,” ani Tuballa.

- Advertisement -

Dagdag naman ni Hannah Mae Golez ng PBL Corn Farmers Association ng Barangay Malatgao sa bayan din ng Narra, mas ramdam ng mga magsasaka ang pagkalinga ng gobyerno dahil sa mga ayudang ganito.

“Mas lalo naming nararamdaman ngayon na mayroong gobyerno. Sa ibinigay nyong tulong kami ay makakabangon muli mula sa pataas ng presyo ng petrolyo na ginagamit naming mga magsasaka,” sabi niya.

Ang Fuel Discount Card ay naglalaman ng P3,000 na maaaring gamitin sa mga kalahok na gasolinahan na may Point-of-Sale (POS) Terminal o tumatanggap ng Bancnet o Visa Card.

Nakatanggap din ng nasabing ayuda ang ilang mga benepisyaryo mula sa mga munisipyo sa Sur ng lalawigan kabilang na ang mga bayan ng Narra, Quezon, Rizal, Taytay, Sofronio Española at Brooke’s Point.

Sa paglulunsad ng nasabing programa, hinikayat ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Antonio Gerundio ang kahalagahan ng pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para sa mga magsasaka at FishR System naman para sa mga mangingisda upang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Maglaan ng oras upang makapagparehistro sa Municipal Agriculture Office at magpamiyembro sa mga kooperatiba at asosasyon sapagkat lahat ng ayudang makinarya ay sa kanila na ibinibigay,” paalala ni Gerundio.

About Post Author

- Advertisement by Google -
Previous articleDalawang dating miyembro ng NPA sumuko sa mga awtoridad
Next articleKahon-kahong smuggled na sigarilyo nasabat ng mga awtoridad
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.