Frustrated homicide, isinampa laban sa suspek sa pananaga

Ang suspek sa pananaga na si Armando Florez habang nasa himpilan ng pulisya. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Sinampahan ng kasong frustrated homicide ang isang lalaki sa Purok Matapat, Barangay San Jose, matapos sinasabing pagtatagain nito ang isang residente doon pasado alas onse ng Lunes ng gabi.

Kinilala itong si Armando Florez na itinuturong nanaga sa biktimang pinangalanan naman bilang si Ronald Bantillo. Nangyari ang insidente sa Atis Road sa nasabing lugar.

Ayon sa spot report mula sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nangyari ang sinasabing pananaga matapos may mambato sa bahay ni Bantillo ng isang bote ng alak habang siya at ang ilang kaibigan ay nagkakasayahan.

Nang labasin para malaman kung ano ang dahilan ng pambabato ng bote, nakita ng grupo ni Bantillo ang kahina-hinalang kilos ng isang grupo ng tatlong lalaki.

Sinita nila ang mga ito na nag-resulta sa pagkakaroon nang komosyon at biglang pagtaga kay Bantillo.

Pero itinanggi ni Florez na siya ang nanaga sa biktima. Napagbintangan lang siya dahil sa napadaan siya sa lugar kasama ang kanyang asawa para bumili ng katol at diaper ng kanilang anak.

“May kaaway na silang mga kabataan noon. Pinagbibintangan pa nga nila ang kapatid ko na magnanakaw. Sabi ng kuya ko, wag naman ganoon. Dahil kilala ko siya, kumuha pa nga ako ng kahoy para tutulungan ko sana, kaso naman bumagsak na siya. Tapos bigla na lang ako ang tinuro niya na tumaga sa kanya,” pahayag ni Florez.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...