Kinilala ng pamahalaang lokal ng bayan ng Narra sa isang approved resolution ang mga municipal frontliners nito dahil sa kanilang ipinamalas na dedikasyon sa trabaho simula noong Marso ng magkaroon ng pandemya ng COVID-19.
Ang Resolution No. 2020-3989 na kumikilala sa kanila ay nilagdaan ni Mayor Gerandy Danao noong Lunes, July 20. Iniakda ito ni municipal councilor Francisco Atchera upang bigyan ng komendasyon ang mga frontliners.
Sabi ni Atchera, malaki ang kontribusyon ng mga frontliner sa pagpapanatiling COVID-free ng Narra.
“Alam naman natin kung gaano kahirap ang maging frontliner ngayong may COVID-19. Gusto nating purihin at kilalanin ang ating mga frontliner sa lahat ng ginawa nila simula Marso at dahil sa kanila naging malayo tayo sa banta ng virus. Sobrang appreciated ang lahat sa ginawa nila,” sabi ni Atchera.
Ayon kay Atchera, nasa plano niya na rin ang pagpasa ng resolution na bigyan ng incentive ang lahat ng frontliners sa Narra bukod sa mga hazard pays na nakalaan sa mga ito.
“Kung may available resources naman isa mga plano natin ang pagpasa muli ng resolusyon at bigyan sila ng insentibo sa mga paghihirap na ginawa nila,” dagdag niya.