Grupo ng One Palawan movement kasama si mayor Gerandy Danao sa 1st young Professionals leaders of Brooke's Point Forum and campain on 3N1 sa Convention Center

BROOKE’S POINT, Palawan — Isang talakayan ang naganap sa pagitan ng One Palawan at Yes to 3-in-1 Palawan na isinagawa ng 1st Young Professional Leaders of Brooke’s Point Forum sa convention center sa bayan na ito noong Marso 2.

Humarap sa nasabing forum bilang kinatawan ng grupong One Palawan na kontra sa paghahati ng lalawigan sa tatlo si suspended Narra mayor Gerandy Danao at ipinahayag niya ang kanyang saloobin tungkol panukala.

Ipinaliwanag ni Danao na hindi na kailangang hatiin ang Palawan upang maipaabot ang tulong sa mga kababayan para maipakita ang totoong paglilingkod.

Inihalimbawa niya ang kanyang mga ginawang serbisyo at pagbigay ng tulong sa mga mamamayan ng Narra noong nakaraang taon habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang probinsya kung saan ay personal niyang inihahatid ang ayuda sa mga barangay.

“Hindi ako humingi ng tulong kay Governor [Jose Alvarez], hindi ako humingi ng tulong sa Sangguniang Bayan o sa Sangguniang Panlalawigan para iabot ang tulong sa mamamayan  kaya huwag nating sabihing mga namumuno na hindi natin kayang gampanan ang dapat nating gawin para sa mga nangangailangan,” pahayag ni  Danao.

Sinabi niya rin na hindi makakaligtas sa pagkasira ang kalikasan kapag mahahati sa tatlo ang Palawan, dahil ito ang naging mitsa ng kanyang pagkatanggal sa puwesto nang ipinaglaban niya at tinutulan ang operasyon ng mina sa bayan ng Narra.

“Hindi rin  makakaligtas ang kalikasan, dahil sa Narra nilabanan ko at tinutulan ang operasyon ng mina kaya ako tinanggal sa serbisyo,” aniya.

Ipinunto rin ng kanilang grupo ang pagpapatigil ng pamahalaan sa pagpapatitulo ng lupa at ang diumano’y pang-aagaw ng lupain sa mga taong kapus palad na hindi malayong mangyari kung sakaling mahati ang Palawan.

“72-years-old na ako at mula noon hindi pa ako nakarinig na pinatigil ng gobyerno ang pagpapatitulo ng lupa, ngayon lang. Kaya sinasabi ko na baka magulat na lang ang mga taong inuutusang magtanim sa sarili nilang lupain na three years from now ay baka titulado na ito sa ibang pangalan,” ayon naman kay Merly Lagan, isang negosyanteng kasama ni Danao.

Sinagot naman ni Board Member Cesario Benedito Jr. ang mga pahayag ni Danao kung saan sinabi nitong hindi ang pagtatanggol sa kalikasan ang dahilan kung bakit nasuspende si Danao kundi dahil sa kasong illegal cockfighting.

“Alam naman natin na walang connection ang mining kung bakit ka nasuspinde. Ang naging kaso mo doon sa violation mo sa cockfighting, pero huwag na natin pag-usapan iyon dito dahil Brooke’s Point ito.  Ano man ang issue doon ay doon niyo i-raise sa bayan ng Narra at ang pag-usapan natin dito ay ang Republic Act 11259 para may mapulot na aral ang kabataan,” ani Benedito.

About Post Author

Previous articleCOMELEC to hold debates on plebiscite thru radio
Next articleSinovac arriving in Palawan on Friday
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.