Isang bagong gusali na magsisilbing food terminal ng mga magsasaka ng gulay sa barangay Iraan sa bayan ng Rizal ang opisyal na tinurnover noong September 21 ng local government.
Ang food terminal building ay pondo na nagmula sa Department of Agriculture (DA) sa pakikipagtulungan ng mismong Barangay Iraan at ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Ayon kay municipal councilor Arvin Fuentes, ang gusali na handog ng DA para sa mga magsasaka ng gulay ay magagamit ng mga vegetable farmer para magsilbing bagsakan ng kanilang mga naaning gulay at iba’t-ibang mga produkto.
“Malaking tulong yan kasi instead na ibenta nila kung saan-saan, may naka-designate sila na isang lugar na doon na lang nila ilalagay ang mga produkto nila at doon na sila pupuntahan ng mga bibili. Hindi na mahihirapan ang mga kabarangay natin at hindi na pupunta kung saan-saan para sila mag-benta — kung may food terminal, madali nalang,” sabi ni Fuentes.
Dagdag ni Fuentes, isang food terminal rin ang kasalukuyang nagagamit na ngayon ng mga small farmers sa bayan ng Rizal. Ang food terminal na nasa bahagi din ng Brgy. Punta Baja.
“Ang ating lokal na pamahalaan ay patuloy na sinusuportahan ang lahat ng mga programa ng DA para mas mapataas ang kalidad ng agrikultura dito sa Rizal, lalo na sa produksyon ng gulay at palay,” dagdag ni Fuentes.