Isang lalaki na fixer sa Land Transportation Office (LTO) ang dinakip sa isinagawang entrapment operation ng Puerto Princesa City Police Station 1 (PS1) sa Valencia Street sa Barangay Model, dakong 11:15 ng umaga ngayong araw ng Martes, Disyembre 14.

Ang suspek ay kinilalang si Mark John Cruz dela Cruz, 37 taong gulang. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na si Dela Cruz ay isang fixer sa LTO.

Inaresto siya matapos na makipag-transaction sa kanya ang isang undercover agent ng pulis at tanggapin niya ang halagang P1,000 mula dito.

“Entrapment operation ito against sa mga LTO fixer. Kung sino ang mga nandoon na nagsasagawa ng mga transaction, ‘yun ang naging subject ng operation namin,” pahayag ni P/Maj. Alta Xeres Cabillage, hepe ng PS1.

- Advertisement -

Dagdag ni Cabillage, nawa’y magsilbi itong babala sa mga fixer, hindi lang sa LTO, kundi sa lahat ng ahensiya na rin ng gobyerno na kapag nagpatuloy sa kalakaran ay patuloy din ang kanilang isasagawang operation laban sa mga ito.

“Wala namang reklamo laban sa suspek pero gusto ko lang na maramdaman nila na hindi porke’t nandito sila sa tabi ng PNP, ay hahayaan na lang sila sa mga ginagawa nila,” ani Cabillage.

Dagdag pa niya, ilang mga impormasyon na rin ang nakakarating sa kanyang tanggapan na may ilang mga kliyente ang nakikipag-transaksiyon sa mga fixer sa lugar na matapos makapagbayad ay bigong makuha ang mga papel, o hindi agad pino-proseso ang kanilang mga dokumento.

“Nakikita namin sa paligid namin na marami nang mga fixer, at may nakakarating na sa akin na mga reklamo na nagbabayad sila sa mga fixer, after that hindi naibibigay ang kanilang mga papel,”ayon pa sa kanya.

Ipinaliwanag ni Cabillage na ang pakikipag-transaction sa mga fixer ay mahigpit na ipinagbabawal at hindi niya hahayaan o pahihintulutan na magpatuloy ito lalo na at ang kanilang tanggapan ay katabi lamang ng LTO.

Samantala, ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9485 o ang Anti-Red Tape Act of 2007.

Previous articleHouse hearing sought on bank account hacking incidents
Next articleCity IMT’s Dr. Palanca supports switching to digital logbook for contact tracing
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.