Nakatakda sa Mayo 4 ang final testing sa mga vote counting machine (VCM) sa Sofronio Española bilang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) sa munisipyo sa national at lokal na eleksyon sa Mayo 9.
Ayon kay COMELEC election assistant II Maria Lourdes Carolasan, 33 VCMs ang nakatakdang dumating sa bayan na ito na magmumula sa kanilang provincial office.
Aniya, sa nasabing VCM testing, susubukan ang mga ito upang matiyak ang “accuracy” sa pagboto at pagbilang, at upang alamin kung paano ang operasyon ng mga ito.
“Pwede naman pong tumingin o mag-witness ang mga nasa area, para makita nila ang accuracy ng ating VCMs na siyang gagamitin sa halalan sa May 9,” sabi ni Carolasan.
Samantala, bilang paghahanda pa rin ng kanilang opisina, muling isinailalim ang 99 na electoral board members na binubuo ng mga guro para sa 33 na presinto sa loob ng 10 voting centers para sa Refresher Training & Final Briefing sa kanila.
“Layon nitong ma-refresh/review ang ating mga EBs sa kanilang natutunan during their 2-day training sa A&A Hotel sa Puerto Princesa. More of technical matter po ang ni-review natin sa kanila,” dagdag niya.
Sa bayan na ito, 35 na mga kandidato ang pagpipiliang iboto. Lima ang tumatakbong mayor, 3 ang bise-mayor, at 27 ang konsehal na pagpipilian ng 22,000 mga botante.
