Home POLITICS & GOVERNANCE Municipality Farming machineries ipinagkaloob sa mga magsasaka sa Busuanga

Farming machineries ipinagkaloob sa mga magsasaka sa Busuanga

2
0
Ilan sa mga farming machineries na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) sa bayan ng Busuanga. | Larawan mula sa MAO Busuanga.

Apat na rehistradong farming organization sa bayan ng Busuanga ang nakatanggap ng ibat-ibang mga farming machineries mula sa Department of Agriculture (DA) noong araw ng Biyernes, Hulyo 9.

Ang mga kagamitan na kinabibilangan ng 10 unit ng hand tractors at anim na unit ng rice reapers ay isinalin sa pangangalaga ng apat na farming organizations sa isang seremonya na pinangunahan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Busuanga at ilang representante mula sa DA-PhilMech.

Ayon kay Provincial Agriculturist Romeo Cabungcal, ang mga makinaryang pangsakahan ay bilang suporta ng DA sa kooperatiba ng mga magsasaka sa bayang ito para sa pagpapalago pa ng kanilang kabuhayan. Ito ay ipinamamahagi ng DA sa buong bansa sa ilalim ng Rice Competitivenes Enhancement Fund-Mechanization Program o RCEF-PhilMech.

“Ang mga naipamahagi na mga agri machineries ng Philmech sa ating mga samahan ng mga magsasaka sa bayan ng busuanga ay malaki ang maitutulong upang lalong itaas ang antas ng produksyon ng palay at kita ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Cabungcal araw ng Sabado, Hulyo 10.

Dagdag niya, ito rin ay makakatulong sa mga rice farmers sa Busuanga na mapababa ang gastusin at mapapabilis ang gawain sa iba’t-ibang aspeto ng pagtatanim at pag-aani ng palay.

Mas mainam aniya na may sariling makinarya ang mga magsasaka sa loob ng kanilang samahan upang hindi na magrenta sa mga pribadong may pag-aari ng mga agri machineries.

Umaasa si Cabungcal na ang mga makinaryang natanggap ng mga magsasaka sa bayan ay makakatulong upang mapalago pa ang antas ng agrikultura sa kanilang bayan katulad ng pagsasaka ng gulay at palay.

Previous articleTatlong lalaki arestado sa isang buy-bust sa Coron
Next articleNational Disaster Resilience month ipinagdiwang sa bayan ng San Vicente
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.