SAN JOSE, Occidental Mindoro–Umakyat sa P55.00 ang farm gate price o kasalukuyang bilihan ng sibuyas sa probinsya, ayon sa Municipal Agriculturists Office (MAO) ng San Jose.

Sinabi ni Romel Calingasan, opisyal ng MAO San Jose, na mataas ang nasabing presyo lalo na’t may mga trader na bumibili sa nasabing halaga ng sadyukan. Sadyukan ang terminong ginagamit kapag binili ang sibuyas na hindi na pinili o hindi sorted. Salandra naman kung ito ay pinili batay sa sukat o kung malaki, katamtaman o maliit ang sibuyas, at kung maganda ba ang kalidad nito o reject. “Mas mataas ang presyo kapag na-salandra ang sibuyas. Kung sa Sadyukan ay pumapalo sa P52 bawat kilo ng sibuyas, maaaring umakyat ito ng hanggang P60.00 kapag salandra”, paliwanag ng opisyal.

Positibo rin si Calingasan na maganda ang epekto ng mataas na bilihan ng sibuyas sa ekonomiya ng San Jose. Aniya, dahil ang mga kumita ngayong anihan ay mga magsasaka ng probinsya, sa mga lokal na tindahan mamimili ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan. “Inaasahan natin na sa San Jose lamang, ay aabot sa P2.2 bilyon ang halaga ng papasok na kita ng mga magsasaka,” ayon pa sa Municipal Agriculturist.

Ayon kay Calingasan, umabot sa 3,666 ektarya ang nataniman ng pulang sibuyas sa San Jose lamang. Higit aniya itong mas mataas kumpara ng nakaraang taon (3,285 ektarya) na marami ang naluging magsasaka ng sibuyas. “Nagbunga ang desisyon ng ating mga magsasaka na magtanim pa rin ng sibuyas sa kabila ng kanilang pagkalugi noong 2022,” pahayag ng opisyal. 

Dagdag pa nito, sa kabila ng mataas na production cost dulot ng pagtaas ng presyo ng fuel, pestisidyo at pataba, nabawi naman ito sa umiiral na bilihan ng produkto.

Kaugnay nito, naniniwala rin si MAO Calingasan na ang magandang presyo ng bilihan ng nasabing produkto ay epekto ng pagbibigay-pansin ng pamahalaan sa industriya ng sibuyas nitong mga nakalipas na buwan. Marami aniyang national government officials ang bumisita sa probinsya upang personal na makita ang kakayahan ng lalawigan sa pag -prodyus ng sibuyas, batay sa pangangailangan ng bansa. May mga opisyal din ng Department of Agriculture ang kumuha ng tamang datos upang pagbatayan kung kakailanganin pa ba na umangkat o mag-import ng naturang produkto.

Saad pa ni Calingasan, ngayong mas bukas na ang komunikasyon sa pagitan ng mga magtatanim ng sibuyas at mga kinauukulang ahensya, higit na mababantayan ang kapakanan ng mga stakeholder ng nabanggit na industriya. (VND/PIA MIMAROPA)

About Post Author

Previous articlePolice roundup: 5 wanted persons arrested for illegal drugs, frustrated murder, rape
Next articleP4.2 million worth of smuggled cigarettes seized from 2 suspects in Puerto Princesa