Jul 4, 2020

Estudyante ng Banton Nat’l HS, wagi sa Consumer Quiz Bee

ODIONGAN, Romblon — Wagi ang Banton National High School sa DTI-Provincial Consumer Quiz Bee 2019 nitong Setyembre 19 sa Romblon State University sa bayan ng Odiongan.

Naging matagumpay ang ginanap na DTI-Provincial Consumer Quiz Bee 2019 nitong Huwebes, Setyembre 19, sa Romblon State University sa bayan ng Odiongan, Romblon. (Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon — Wagi ang Banton National High School sa DTI-Provincial Consumer Quiz Bee 2019 nitong Setyembre 19 sa Romblon State University sa bayan ng Odiongan.

Matapos na maglaban-laban ang 34 na kalahok mula sa iba’t ibang mataas na paaralan sa buong lalawigan, itinanghal na kampeon si Shulammite Faigao, Grade 9 student ng Banton National High School, na tumawid pa ng dagat para lang makasali sa kompetisyon.

Sa elimination round pa lang ay nagpakitang gilas na si Faigao para makalusot siya kasama ang anim na iba pa sa final round. Mahigpit na nakalaban ni Faigao sa kampyonato si Janiale Panopio ng Mabini National High School, na itinanghal namang first runner up. Second runner up naman sa kompetisyon si Angela Mikaela Sabigan ng Looc National High School.

Sa panayam ng PIA-Romblon sa coach ni Faigao na si Maria Eloisa Fetalvero, sinabi nitong Hunyo pa lang ay naghahanda na sila sa kanilang paaralan para sa Provincial Consumer Quiz Bee ng DTI.

“Alam kasi namin na may Provincial Consumer Quiz Bee ngayong taon kaya June palang ay pinili ko na si Shulammite para sanayin sa mga posibleng itatanong sa kompetisyon. Tatlong taon na kaming sumasali sa Consumer Quiz Bee at lagi kaming hindi nanalo, pero ngayong bago ‘yung isinalang namin, hindi namin akalain na makukuha namin ‘yung kampyonato,” ayon kay Fetalvero.

Samantala, naibahagi ni Faigao na hindi niya inasahan na aangat siya sa ibang manlalaro dahil unang bese niya umanong lumaban at marami pa umanong magagaling mula sa iba pang paaralan na sumali sa kompetisyon.

Ang katatapos lang na Provincial Consumer Quiz Bee 2019 na may temang “Sustainable Consumption: Understanding the Impact of Consumer’s Choices in a Shared Environment” ay inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa pakikipagtulungan ng Department of Education sa Romblon.

Ayon kay DTI-Romblon Provincial Director Noel Dr. Flores, isa ang nasabing kompetisyon sa mga paraan ng ahensya para maipalaganap ang impormasyon kaugnay sa mga karapatan ng mga consumers at iba pang may kaugnayan sa ekonomiya at kalakalan.

Si Shulammite Faigao ang ilalaban ng probinsya ng Romblon sa gaganaping DTI-Regional Consumer Quiz Bee sa Manila sa susunod na buwan, bilang bahagi naman ng pagdiriwang ng 2019 Consumer Welfare Month. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry