Sat. Jan 18th, 2020

Electronic business permits and licensing system, ilulunsad sa Palawan

Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) - Luzon Cluster 3 kamakailan sa ginanap na Digital Governance Initiative session na maglulunsad na ng Electronic Business Permits (eBPLS) ang ahensiya sa ilang bayan sa Palawan. (Larawan ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

Nakatakdang ilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Electronic Business Permits and Licensing System (eBPLS) sa lalawigan ng Palawan sa unang buwan ng taong 2020.

Ito ang kinumpirma ni Carmela Valencia, hepe ng Administrative and Finance Division ng DICT-Luzon Cluster 3, sa ginanap kamakailan na “Digital Governance Initiative” na pinangunahan ng kagawaran.

Aniya, magkakasunod na ilulunsad ng kanilang ahensya ang eBPLS sa mga bayan ng Coron, Narra, at San Vicente sa oras na makumpleto ng mga ito ang proseso.

Nauna nang nakapagsagawa ng data build-up at pagsasanay para sa mga gagamit nito sa Narra at Coron, habang sa San Vicente naman ay kinakailangan na lamang na mapagtibay ng Sangguniang Bayan ang implementasyon nito.

Sinabi ng opisyal na malaking bentahe ang pagkakaroon ng eBPLS sa lokal na pamahalaan sapagkat mapapabilis na ang transaksyon sa pagkuha at pagbabayad ng business permit.

“Usually, kapag nag-re-register tayo at nagbabayad, manual. Pero sa electronic, puwede na tayong mag-register at magbayad online, mapapabilis na, hindi rin madadaya ang transaksyon dito,” ani Valencia.

Nilinaw ni Valencia na sa proseso pa lamang ng pre-qualification, isa sa kanilang tinitingnan ay ang pagkakaroon ng linya ng internet bago pa man mabigyan ng sistema ang isang lokal na pamahalaan.

“Isa sa mga requirements na mapro-provide ng LGU ang dedicated line para matiyak na may connectivity, hindi kasi tatakbo ang eBPLS kung walang connectivity,” paliwanag pa niya. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry