Umindak sina lolo at lola sa tugtog na boogie habang ipinagdiriwang ang Elderly Week na may temang 'Healthy and Productive Age starts with me' sa Calapan City Plaza Pavilion noong Oktubre 17. (Larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)
Umindak sina lolo at lola sa tugtog na boogie habang ipinagdiriwang ang Elderly Week na may temang 'Healthy and Productive Age starts with me' sa Calapan City Plaza Pavilion noong Oktubre 17. (Larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Ipinagdiwang sa lungsod ng Calapan ang Elderly Filipino Week Celebration na may temang ‘Healthy and Productive Age Starts with Me’.

Ito ay dinaluhan ng mga pangulo at kanilang kasapi mula sa 62 barangay na ginanap sa City Plaza Pavilion noong Oktubre 17.

Pinangunahan ni Imelda Dacillo, pangulo ng pederasyon ng Senior Citizens at Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) Head Genaro Cleofe ang paghahatid ng mga magagandang balita para sa kanilang mga kasapi.

Kanilang ibinida ang mga libreng benepisyong medical tulad ng CT-Scan, 2D Echocardiography o 2D Echo, Ultrasound, Dialysis at mga laboratory test, na ilan lamang sa mga ipinagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pamumuno ni Mayor Arnan C. Panaligan katuwang ang Sangguniang Panlungsod ni Vice Mayor Gil G. Ramirez at mga konsehales ng mga batas na maaaring mapakinabangan ng mga lolo at lola.

Ipinamahagi rin ang iba pang benepisyo kabilang ang Philhealth at City Gold Cards sa mga bagong kasapi upang magamit sa oras na kanila itong kailanganin. Ipinagkaloob ang mga ito sa mga miyembro na walang sapat na kita o kakayahang magpagamot at magbayad sa ospital. Bukod dito, binibigyan din sila ng buwanang libreng gamot pang-maintenance para sa may high blood na nagkakahalaga ng P500 na makukuha sa botika ng lungsod.

Umaasa naman ang lahat ng tumatanggap ng buwanang pensiyon na maumentuhan sila sa susunod na taon dahil maliit aniya para sa mga walang nakukuhang pensiyon mula sa SSS o GSIS ang P500 kada buwan na nagmumula sa pambansang pamahalaan.

Samantala, upang lubos ang kasiyahan ng mga kasapi, nagkaroon ng mga pa-raffle, bigayan ng mga regalo at sayawan. (DN/PIA-OrMin)

Previous articleEditorial: Palawan is primarily a fisheries, not tourism, earner
Next article4th QTR earthquake drill sa Calapan, isinagawa