El Nido MPS nagpaliwanag tungkol sa road accident na dahilan ng pagkamatay ng isang residente

Nilinaw ng El Nido Municipal Police Station (MPS) na wala na sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente ang drayber at may-ari ng elf truck nang dumating sa lugar ang mga pulis noong Mayo 20 sa nasabing bayan.

Ang paglilinaw ni P/SSg. Jane Gonzales sa Palawan News noong Sabado (Mayo 22) ng umaga ay may kaugnayan sa aksidente na kinasangkutan ng elf truck na minamaneho ng 61 taong gulang na si Montano Bernardo Bulacan na naging dahilan ng pagkasawi ni Raffy Taraquina Latagan at pagkasugat ng tatlo pa niyang kasama sa Sityo Nasigdan, Barangay Masagana sa El Nido.

“‘Noong time na pagpunta ng pulis doon sa area, wala na po ang driver,” pahayag ni Gonzales.

Ang bagay na ito ay kanyang binigyang diin matapos may ilang netizens ang nag-post sa ilalim ng balita ng Palawan News na nandoon si Bulacan sa Nasigdan nang mangyari ang aksidente at kausap pa ang mga awtoridad.

Maging ang tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) na si P/Cpt. Ric Ramos ay katulad din ng kay Gonzales ang sinabi.

Ngunit idinagdag niya na sa kanilang pagkakaalam ay nakipag-ayos na si Bulacan sa pamilya ng nasawi.

“Noong pumunta ang police sa area, wala ang driver. However, nag-settle na sila with the driver,” ayon pinadalang mensahe ni Ramos, umaga rin ng Sabado.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry