Walang ibang puwedeng sisihin ang Malakanyang kundi ang sarili nito sa mga negatibong kuro-kuro sa social media tungkol sa anomalya na nasa likod umano ng overpriced na mga supplies na binili ng pamahalaan sa kontrobersyal na kumpanyang Pharmally.

Sa halip na harapin ng maayos ang isyu sa Senate Blue Ribbon Committee, si Pangulong Duterte na mismo ang kumukumpas ng pagiging defensive na postura ng pamahalaan, sa pamamagitan ng personal at ad hominem na pagbatikos sa mga senador na kasapi ng kumite. Sa dami ng mga bagay na hindi maipaliwanag ng pamahalaan tungkol sa maanomalyang paggastos ng P42 bilyon na pondo para sa face masks at face shields, marami na rin ang hindi na natutuwa sa mga pangyayari.

Kung hindi aatras ang Senado sa patuloy na pag-uungkat ng isyung ito ngayong darating na linggo, madidiin ng husto ang administrasyon sa anomalyang ito at matindi ang magiging political consequences nito sa panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Nagpahayag ang pamahalaan nitong nakaraang Linggo na hihintayin nito ang resulta ng pag-aaral ng World Health Organization (WHO) kung talaga bang nakakatulong ang face shield sa pagpigil ng COVID-19 virus infection. Ang tanong — kung wala naman palang malinaw na scientific basis ito in the first place, bakit ipinagpilitan ng IATF gawing mandatory ang paggamit nito?

- Advertisement -

Hindi bebenta ang dahilan ng administrasyon na ang mga eksperto daw ng pamahalaan ang nagrekomenda nito at nakakatulong daw. Sa larangan ng siyensya, kailangan ay may ginagawang published studies at open sa scientific community ang ganitong conclusions, at walang ganitong basehan ang pamahalaan.

Eto pa nga, ang sabi nitong nakaraang linggo ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, representative ng WHO sa Pilipinas: “The face shields are being used to reduce the likelihood of infection through the eyes. That’s not actually an additional layer although it boosts the protection provided by poor mask-wearing practices.”

Lumalabas tuloy na tila gumagawa lamang ng way out ang administrasyon sa harap ng batikos na pinagkakitaan ng Pharmally at kung sinong mga opisyal na backers nito sa pamahalaan ang pangmalakasang transaksyon na ito, kasama ang pag-angkat ng face shields na hindi naman talaga kailangan.

Ginawang polisiya ng pamahalaan ang paggamit ng face shield noong December 2020, mahigit isang taon sa gitna ng pandemya, at habang binabalangkas ang maanomalyang transaksyon sa Pharmally. Ipinapatupad ng mga local government units nang mahigpit ang paggamit nito lalo na sa mga enclosed na public places.

Wala pang matapang na LGU na magsasarili at aalisin ang mandato ng paggamit ng face shield, kasi ito ay magiging paglabag sa IATF regulations, maliban na lamang kung may tuluyang mapipikon na sa mga anomalyang nangyayari at gawin ito bilang act of protest.

Tila walang aasahang malinaw na konklusyon ang imbestigasyon ng Senado sa anomalyang ito, na maaari nating tawaging Pharmallygate. Ang tanging matitira ay ang imahe ng face shield bilang simbolo ng kurapsyon at kapalpakan sa gitna nang patuloy na pandemya.

Previous articleAksidente sa Brgy. Inagawan Sub hindi na-rekord ng dash cam ng SUV
Next articleCOMELEC plans to increase voting polls