Nasa 130 na mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha sa bayan ng Brooke’s Point ang nakatanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes, January 27.
Nasa 87 pamilya naman na nawalan ng tirahan ang nakatanggap ng P5,000 samantalang 43 pamilya na bahagyang nawasak ang tirahan ang nakatanggap ng P3,000.
Napagkalooban din ang mga ito ng hygiene kit na naglalaman ng mga toothbrush, toothpaste, shampoo, sabong panligo at sabong panlaba, sanitary napkin, suklay, shaving razor o pang-ahit, at nailcutter, at family kit na may mga tuwalya, mga pangloob na damit o underwears, mga pang matanda at pang batang sando, t-shirt, shorts at tsinelas.
Magkatuwang na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Cesareo Benedito Jr. at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang mga nasabing tulong.
Nagpasalamat si Mayor Cesareo Benedito Jr. sa mga tulong na ipinagkaloob sa kanila mula sa National at Provincial Government gayon din sa mga Non Government Organization na patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga mamayan ng bayan.