Malubhang nasugatan sa vehicular accident ang residente ng Balabac na si Edris Lajak, 29 taong gulang, kahapon bandang 1:50 p.m. sa Sitio Tagbabalat, Barangay Pulot Center, Sofronio Española, matapos diumano na ito ay maka-idlip habang nagmamaneho at bumangga ang sasakyan na Avanza sa puno ng niyog.
Ayon sa ulat mula sa Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si P/Maj. Ric Ramos, bukod kay Ladjak ay nagtamo din ng sugat, ngunit hindi malubha, ang mga sakay nito noong Enero 22 na sina Arvina Arija Ami, 38; Bensar Siata Bautista, 22, at dalawa pang menor de edad. Lahat sila ay residente ng Poblacion V sa bayan ng Balabac.
Lumalabas sa imbestigasyon ng awtoridad na si Ladjak ay walang lisensya ng imaneho ang Avanza, sakay ang apat nitong pasahero. Tinatahak nito ang direksyon patungong norte mula sa south, ngunit pagdating sa may Brgy. Pulot Shore ay naka-idlip at bumangga ang sasakyan na minamaneho sa puno ng niyog na nasa highway.

Sa kuwento naman ni Madz Hanape, isa sa mga nakakita sa nangyaring aksidente, galing sina Ladjak sa bayan ng Brooke’s Point at patungo sana sa Puerto Princesa City.
Pumutok umano ang gulong ng sasakyan kaya nawalan ng kontrol ang driver sa manibela na naging dahilan kung bakit ito dumiretso sa gilid ng highway at saka sumalpok sa puno ng niyog.
“Ang sabi, sumabog ang gulong ng kotse, tapos nabunggo sa puno ng niyog sa gilid ng kalsada kaya wasak ang harap,” pahayag ni Hanape na isa rin sa mga suspek.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang update hinggil sa kalagayan ni Ladjak at ng kanyang mga pasahero na dinala sa ospital ng mga responder ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
