Muling pinagsusumite ng Department of Health (DOH)-MIMAROPA ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa ng microplan para sa vaccination program laban sa COVID-19.
Sa naganap na pulong noong Mayo 15, sinabihan ni DOH-Mimaropa regional director Dr. Mario Baquilod si City Health Office (CHO) chief Dr. Ricardo Panganiban na magsumite ng microplan at ilagay dito ang lahat ng mga pangangailangan ng siyudad para sa gagawing mass vaccination rollout kapag dumating na ang maraming bilang ng bakuna.
Aniya, ang microplan ang kanilang pagbabatayan kung anong ayuda ang ibibigay ng DOH.
Kaugnay nito ay inatasan ni mayor Lucilo Bayron si city planning officer Jovenee Sagun na makipag-ugnayan sa CHO para gawin ang microplan at agad maisumite sa DOH.
Ayon kay Bayron, kailangang ma-update ang microplan dahil may posibilidad na hindi na akma ang naunang naisumite sa kasalukuyang sitwasyon ng lungsod matapos magkaroon ng “surge” ngayon.
Nakapaloob sa microplan ang ang dami ng vaccination teams, vaccination sites, listahan ng mga babakunahan at marami pang iba.
Dagdag pa ni Bayron na pupulungin niya ang mga Punong Barangay para upang makatulong na ma-irehisto sa Vaccine Management System-Immunization Registry (VIMS-IR) ang mga senior citizen matapos na kumpirmahain ng DOH na nasa 4,000 lang ang nakarehistro dito gayong nasa 22,000 ang mga nakatatanda sa siyudad.
Paliwanag ni DOH-Asec. Dr. Francia Laxamana, sa VIMS-IR kasi magbabase ang national government kung gaano karami ang ilalaang bakuna sa isang lugar. (MCE/PIA-MIMAROPA, Palawan)
