Jul 11, 2020

Dine-in service sa mga restaurant, pinapayagan na ulit sa Quezon town

Sa panayam ng Palawan News kay Mayor Joselito Ayala, sinabi niyang puwede nang kumain ang mga kliyente sa restaurants at carinderia basta’t ang mga may-ari ng mga establisyemento ay mahigpit na ipatutupad ang physical distancing, pagsusuot ng face mask kung hindi pa kakain, paghuhugas ng kamay, at iba pa.

QUEZON, Palawan — Pinayagan na simula noong Lunes ang pagbabalik ng “dine-in service” sa mga restaurant at carinderia sa munisipyong ito ng lokal na interagency-task force (IATF) basta’t mahigpit nilang susundin ang minimum health standards.

Sa panayam ng Palawan News kay Mayor Joselito Ayala, sinabi niyang puwede nang kumain ang mga kliyente sa restaurants at carinderia basta’t ang mga may-ari ng mga establisyemento ay mahigpit na ipatutupad ang physical distancing, pagsusuot ng face mask kung hindi pa kakain, paghuhugas ng kamay, at iba pa.

Aniya, kung dati ay 100 percent ng kanilang kapasidad ang puwedeng tanggapin na customers, ngayon ay magiging 50 percent na lang muna ito habang nasa ilalim pa ng modified general community quarantine (MGCQ) ang lalawigan.

“Kinakailangan na sundin pa rin ang social distancing measures na isang metro dapat. Kung kaya na 100% dati ang puwedeng kumain sa carinderia o restaurants, dapat ngayon ay 50% na lang. Kung dati nasa 20 katao ngayon, 10 na lang. Kung 10 naman dati, ngayon 5 na lang muna, at tuloy pa rin ang pag-order or take out,” ayon kay Ayala.

Ayon naman kay Concepcion Maza, assistant cook sa isang restaurant na may asawa at anak na umiinom pa ng gatas, matumal pa rin ang kita kahit na pinayagan na ulit ang kanilang operasyon sa pagtanggap ng dine-in customers.

Maging ang mga nagte-takeout ng pagkain ay matumal din dahil sa walang kliyente.

“Para kaming bumalik ulit sa simula na bagong bukas na restaurant, nakakapanibago pati sa mga tao. Iyong dati naming mga costumers hindi pa rin bumabalik, matumal po pasok ng taong kumakain kahit nag bawas na kami ng mga mesa para masunod ang social distancing, pero hindi pa rin napupuno ang area” ayon kay Maza.

Pahirapan din, sabi niya, ang pamimili ng rekado sa palengke dahil halos walang paninda.

Ipinahayag niya na kung dati ay kumikita sila ng P5,000 kada araw, ngayon ay halos P2,000 na lang.

Nanatili din silang “No Work, No Pay” sa kanilang trabaho at palitan sila ng schedule para lahat ay may kita maski na paano.

“Noo work no pay po kami, pero pasalamat kami kahit paano nakaka-survive pa rin. Talagang mabigat lang talaga sa ngayon ang mga gastusin, iyong mga bayarin namin sa ilaw, tubig at iba pang mga utang. May pinapagatas pa akong anak, hindi rin sasapat ang kinikita ng mister ko sa trabaho kasi no work no pay rin sila,” ayon kay Maza.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry