Ang Detect TB screening at testing sa Narra katuwang ang Municipal Health Office (Larawan mula sa PIO Palawan)

Nagpapatuloy ang Provincial Health Office (PHO) sa ginagawa nitong pagpapalakas ng programang Detect Tuberculosis (Detect-TB) sa buong lalawigan sa kabila ng kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon kay Pamela Garcia, Infectious Disease Unit Head ng PHO at tumatayong National Tuberculosis Program (NTP) coordinator sa lalawigan, bagama’t nahihirapan sila dahil sa restrictions ay sinisikap nilang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga munisipyo.

“Medyo mahirap talaga ngayon ang implementation natin ng program dahil sa mga restrictions due to COVID-19, pero on-going pa rin especially sa mga municipalities na nangangailangan ng assistance natin,” pahayag Garcia, Nobyembre 16.

- Advertisement -

Dagdag niya, noong taong 2020 ay nakapagtala sila ng 2,687 TB cases sa lalawigan na katumbas ng 81.22 percent success treatment rate mula sa case detection rate na 4,845 o 61.23 percent na target nilang mahanap at magamot.

Noong Nobyembre 8-12, nagsagawa sila ng screening at testing sa munisipyo ng Narra katuwang Municipal Health Office kung saan, nasa 345 residente ang kanilang nabigyan ng serbisyo.

Maliban sa sa testing, screening at treatment, nakapaloob din sa programa ng Detect-TB ang pagbibigay ng technical assistance kasama ang evaluation at monitoring sa mga munisipyo upang mapagkalooban ng certification mula sa DOH regional office na maging ganap na accredited TB DOTS Center upang makapanggamot ng TB sa lugar.

Ayon pa kay Garcia, malaki ang pasasalamat ng Pamahalaang Panlalawigan sa iba’t ibang ahensyang katuwang sa pagpapatupad ng naturang programa mula nang magsimula ito.

Kabilang dito ang Korea Foundation for International Healthcare (KOFIH) na naglaan ng pondo at nagkaloob ng Detect-TB Bus; Innovations and Multi-Sectoral Partnerships to Achieve Control of TB (IMPACT); at Philippine Business for Social Progress (PBSP).

Siniguro rin ng PHO na handa silang tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa usaping pangkalusugan upang magamot ang mga maysakit ng TB sa kabila ng nararanasang pandemya.

Previous articleIwahig Corrections Facility recognized as ‘Best Operating Prison and Penal Farm’ in PH
Next articlePalawan board members back embattled PALECO
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.