Ibinalita ni Schools Division Superintendent (SDS) Roger F. Capa,CESO VI, sa naganap na Kapihan sa PIA noong Agosto 25 sa SM Puerto Princesa na nangunguna ngayon ang Deped Palawan sa buong Mimaropa Region sa pagbibigay ng sahod, mga benepisyo at promotion ng mga guro. (Kuhang larawan ni Orlan Jabagat, PIA-Palawan)

Nangunguna ang Schools Division Office (SDO) ng Department of Education (DepEd) sa Palawan sa buong MIMAROPA Region sa pagbibigay ng sahod, mga benepisyo sa mga guro at iba pa.

Ito ang ipinahayag ni Schools Division Superintendent (SDS) Roger F. Capa, CESO VI, sa mga mamamahayag sa Kapihan sa PIA noong Agosto 25 sa SM Puerto Princesa.

Ayon sa kanya, sa nakalipas na apat na buwan, ang Deped Palawan ay nanguna sa buong MIMAROPA Region sa pagbibigay ng benepisyo at mga suweldo dahil maaga nila itong ipinagkaloob na siya namang ikinatuwa rin ng mga guro.

Pinatunayan naman ito ni Teacher 1 Michelle G. Escote ng Pasadeña National High School sa El Nido. Aniya, napakalaking tulong  ito sa kanilang mga guro lalo na ngayong mayroong Covid-19 pandemic.

Maliban dito, kinumpirma rin ni Capa na nangunguna rin ang kanilang SDO sa pag-promote sa mga kwalipikadong mga guro.

“Bilang pangangalaga, pag-nurture sa ating mga guro, binibigyan natin  sila ng pagkakataon na ma-promote upang lalo silang maging produktibo sa kanilang trabaho”, saad pa ni SDS Capa.

Ipinagmalaki rin niya na sa katatapos na 2021 Gawad Siklab Awards, sa 30 nanalo, 27 rito ay mula sa Deped Palawan. 

Paliwanag pa ni SDS Capa,  para maging maayos ang kanilang pagpapatupad ng mga programa at proyekto, inilunsad nila kamakailan ang flagship program na ‘Deped Palawan, Maasaahan’ kung saan ang isang  bahagi nito ay ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng Deped sa mga partner/stakeholders na lubos aniyang napakahalaga. (MCE/MIMAROPA)

Previous articleBJMP asks LGUs to include inmates in vax program
Next articlePrivate sector vaccine rollout to help Bataraza reach herd immunity faster