Isang lalaki na dating nakulong na dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga at itinuturing na high-value individual (HVI) ng Palawan Police Provincial Office (PPO), ang muling naaresto sa anti-illegal drugs operation na isinagawa ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), noong Marso 9 ng gabi sa Sityo Marabahay, Barangay Rio Tuba.

Ang suspek ay kinilalang si Jeffrey Hamod Sanuddin, 37, na dati ng nakulong dahil din sa kaparehong kaso, ayon sa acting chief of police ng Bataraza na si P/Maj. Dhennies Acosta.

Ayon kay Acosta, si Sanuddin ay una na ding nahuli ng Puerto Princesa City Drug Enforcement Unit at PPC Anti-Crime Task Force sa Brgy. Sta. Monica, noong Hunyo 29, 2019.

“Binantayan namin siya kasi natunugan namin na nagbebenta nanaman siya ulit ng drugs. Nag plea bargaining lang ‘yan kaya siya nakalaya,” pahayag nito sa Palawan News.

Maliban sa sachet ng pinaghihinalaang droga na nabili sa suspek, nakuha din ang P500 na ginamit bilang buy-bust money ng undercover agent. Isang malaking plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu, limang maliliit na sachets ng naturang droga, improvised toother, gunting, ginagamit nitong timbangan, at isang sling bag ang nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat.

“Yong mga items na nakuha namin sa kanya, lahat ‘yun nasa limang grams, nasa estimate namin aabot ng P28,000. Isa siya dito na matindi din magbitaw ng drugs,” dagdag ni Acosta.

Mahaharap muli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act, si Sanuddin, na ngayon ay nasa kustodiya ng Bataraza MPS.

Previous articleTwo new foreign BPO firms eyeing to locate in PPC
Next articleBagong farm-to-market road, malapit nang mapakinabangan sa Cuyo
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.