Itinanggi ng dating punong barangay ng Montible na si Henrieta Balingit ang paratang ng dating kaibigan niya na siya ay carnapper.

Sa panayam ng Palawan News kay Balingit, itinanggi niya ang bintang ni Asiscla Albon na tinangay niya ang sasakyan nito. Aniya, si Albon mismo ang nag-alok sa kanya na gamitin muna ang sasakyan habang wala ito sa Lungsod ng Puerto Princesa.

“March 12 nang umuwi siya sa Maynila. Hindi ako nanghiram sa kanya ng sasakyan, kusa niyang iniwan at ang sabi niya sa akin, ‘ate kap diyan muna sa iyo ang sasakyan, magma-Manila ako, puwede mo ‘yang gamitin kung ano ang negosyo mo’,” paliwanag ni Balingit.

Dagdag pa niya, wala siyang intensyon na kunin o hindi na ibalik ang sasakyan, nagkataon lamang na naipahiram niya ito sa isang kaibigan at naaksidente, kaya hanggang ngayon ay nasa pagawaan umano ito.

- Advertisement -

Iniwasan din ni Balingit na ipaalam kay Albon ang nangyari sa sasakyan para hindi na umano madagdagan pa ang isipin ng dating kaibigan dahil sa inabutan ito ng lockdown sa Manila.

“Ang kasalanan ko lang ay pinahiram ko din ang sasakyan. Sa takot ko at sa hiya ko rin, hindi ko muna siya in-inform sa nangyari kasi ayaw ko siyang mabigla, kasi may problema na siya doon sa Manila dahil lockdown na. Gustong-gusto niya nang umuwi, na di-depress na siya doon. Ang inisip ko,ipagawa na lang para pagdating niya okay na,” pahayag ni Balingit.

Mula sa unang shop na pinagdalhan niya sa sasakyan, inilipat niya ito sa isa pang shop ngunit hindi niya agad naipagawa dahil sa kawalan ng pera.

Nitong nakalipas na araw ng Huwebes, kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation And Detection Group (CIDG) ay pinuntahan at kinuha ni Albon ang sasakyan.

Nauna na ring ipinatawag si Balingit sa barangay ngunit hindi umano ito humarap sa nagrereklamong si Albon. Pero sa mga naunang pag-uusap ng dalawa ay nakiusap pa si Balingit na pagbigyan siya hanggang buwan ng Disyembre, ngunit tumanggi umano si Albon.

Previous articleBSP cautions public against auto loans “pasalo-benta modus” by carnapping syndicates
Next articlePromo exclusives for teachers at SM
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.