Oct 22, 2020

Dating drug surrenderee, nasa kritikal na kondisyon matapos pagbabarilin

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nakatayo noon si Gresones malapit sa barangay hall habang hawak-hawak ang kanyang bisikleta nang bigla itong pagbabarilin ng riding in tandem galing sa norte na tumakas patungong timog, sa direksyon patungong bayan ng Narra.

Image courtesy of Aborlan MPS

 

Isang dating drug surrenderee ang kritikal ngayon matapos pagbabarilin sa national road sa Barangay Iraan sa bayan ng Aborlan, Sabado ng hapon.

Kinilala ito ng pulisya bilang si Ramon Gresones, 36, na binaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nakatayo noon si Gresones malapit sa barangay hall habang hawak-hawak ang kanyang bisikleta nang bigla itong pagbabarilin ng riding in tandem galing sa norte na tumakas patungong timog, sa direksyon patungong bayan ng Narra.

“Habang siya ay nandoon sa national highway sa harap ng barangay hall ng Iraan kung saan ay nagba-bike siya, nasiraan ang bike niya, then inayos-ayos niya tapos bigla na lang may dumating na naka-motor na dumaan sa kanya at siya’y pinagbabaril”, pahayag ni P/Major Benigno Conde sa panayam nito sa Palawan News.

“Base sa investigation, dati na palang drug surenderer ito (Gresones) noong 2016. Nagkaroon ng kaso ito tungkol sa drugs at kasama iyon sa tinitingnan naming dahilan sa pangyayari,” dagdag nito.

 

Image courtesy of Aborlan MPS

 

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima sa katawan at agad itong sinugod sa Medicare Hospital ng Aborlan. Subalit dahil kritikal ang lagay nito, inilipat ito sa ibang ospital sa lungsod.

Hindi namukhaan ng biktima ang mga suspek dahil sa ito ay naka-helmet at nakasuot ng face mask.

Ayon pa sa ulat, nakuha mula sa pinangyarihan ang isang bala ng kalibre 45 at pitong bala ng iba pang baril. Dagdag pa rito, ang tama ng biktima ay nasa ibat’-ibang bahagi ng katawan at hindi pa matukoy sa ngayon ang eksatong tama nito dahil inaalam pa ngayon ng mga awtoridad ang resulta mula sa doctor.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at patuloy na inaalam ang motibo ng mga suspek.

 

(With a report from Jayra Joyce Taboada)

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry