Muling nagsagawa ng gift-giving activity ang 23rd Marine Company ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) sa pamamagitan ng kanilang “Damayan sa Kapwa” program, katuwang ang El Nido Municipal Police Station (MPS), 4th Platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Palawan Police Provincial Office (PPPO), sa pakikipagtulungan ng El Nido Bayview Resorts, Inc. at Oceana Bay Resort Vacation and Leisure Club.
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa mga sityo ng Diapila, Dagmay, Maranglao, at Wasay na sakop ng Barangay Teneguiban, kung saan umabot sa 800 gift packs ang naipamigay sa mga residente.
Ayon kay 1st Lt. Dwight Payosalan, ang Damayan sa Kapwa ay bahagi ng aktibidad upang maabot ng serbisyo ng pamahalaan at kanilang mga ahensya ang mga nasa liblib na lugar at mabigyan ng serbisyo upang makamit ang kaunlaran bagama’t may kinakaharap na pandemya.
“Sa ganitong pagkakataon, lumalabas ang ating likas na pagkamatulungin bilang Pilipino. Batid natin ang hirap na dulot ng pandemya pero mas ramdam natin ang pagdadamayan at ang aruga ng ating kapwa. Dito po natin makikita ang importansya ng pagtutulungan at bayanihan para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Payosalan.
“We find inspiration to those who we serve and to those who suffer amid the crisis. We will continue to work together with our partners to help the community in our own little ways,” dagdag niya.
