Dalawang wanted arestado sa Quezon at El Nido

Dalawang lalaki na wanted ang nadakip ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng Quezon at El Nido, araw ng Huwebes, Abril 29.

Naunang nadakip ng tauhan ng Quezon Municipal Police Station (MPS) ang suspek na kinilalang si Jeric Lebana Belen, 28, sa Sityo Tumarbong, Barangay Maasin.

Si Belen ay itinuturing na most wanted Rank No. 6 sa municipal level ng nasabing bayan sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination act, na partikular na tumutukoy sa Anti-Child Abuse base na rin sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Regional Trial Court (RTC) Branch 165 sa bayan ng Brooke’s Point nitong March 1, 2021. Naglaan naman ang Korte ng halagang P80,000 at P200,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sa panayam ng Palawan News sa imbestigador na si P/Cpl. Glendel Baliwan, sinabi nitong inamin ni Belen na ginalaw niya ang kanyang nobya na noon ay 16 taon pa lamang habang siya naman ay 22.

Inihayag rin umano ng suspek na hindi boto sa kanilang relasyon ang magulang ng kanyang nobya kaya siya sinampahan ng kaso.

“Wala naman siyang sinabi na pinilit niya ang babae. Ang defense niya lang sa sarili niya ay ayaw ng magulang ng babae sa kanya dahil minor ang babae at gusto silang mapaghiwalay kaya sinampahan nalang ng kaso,” paliwanag ni Baliwan.

Ayon pa kay Baliwan, matapos malaman ni Belen na may kaso siya ay agad itong nagtago dahil wala siyang pangpiyansa. Nahirapan din umano silang maaresto ang suspek dahil palagi itong wala sa area. Ngunit nang ihain na ang warrant sa suspek ay hindi na ito nanlaban at agad sumuko.

“Matagal na naming sinusubaybay itong taong ito, bale sa tulong na rin ng mga residente kaya nalaman namin na nandiyan siya ay agad kaming pumunta at inaresto na namin,” ani Baliwan.

“Aminado naman siya na may warrant siya. Maraming beses na namin siyang inattempt na mahuli, simula kasi nong nalaman niya na meron siyang warrant ay nagtago din talaga yan dahil wala pa raw siyang pangpiyansa,” dagdag pa ni Baliwan.

Samantala sa bayan naman  ng El Nido, nadakip din ng mga operatiba ng El Nido MPS si Mark Leo Gacasa Dahon, 27 taong gulang, sa Brgy. San Fernando para naman sa kasong attempted rape.

Si Dahon ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Anna Leah Mendoza ng RTC Branch 164 sa bayan ng Roxas noong Marso 18 at may kaukulang piyansa na halagang P120,000.

Ang dalawang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng kanya-kanyang na ng mga Municipal Police Station.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry